Floods

Ni JUN FABON At ANNA LIZA VILLAS-ALAVAREN

Dulot ng habagat na hinatak ng bagyong “Mario,” binaha ang maraming lugar sa Metro Manila Manila na ikinamatay ng dalawa katao sa Quezon City habang suspendido ang mga klase, trabaho sa pribado at gobyernong sektor.

Sa panayam sa telebisyon, sinabi ni Nathaniel Cruz, weather specialist ng GMA News TV, na nagpakawala ang bagyong “Mario” ng ulan na halos kasing dami ng average rainfall para sa kalahating buwan sa loob ng anim na oras.

National

Ilang bahagi ng bansa, uulanin dahil sa shear line, easterlies

Kinumpara ni Cruz ang bagyong “Mario” sa bagyong “Ondoy” na nagdulot ng matinding baha sa Metro Manila noong Setyembre 2009 kung saan ang huli ay nagdala ng tuluy-tuloy na ulan sa loob ng dalawang araw.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), halos magdamag na umulan dulot ng habagat na nagdulot ng matinding baha sa mga siyudad ng Quezon, Mandaluyong, San Juan, Manila at Marikina.

Sinabi ni QC Mayor Herbert Bautista, mahigit 20 evacuation center ang kanilang itinayo bunsod ng paglikas ng libu-libong pamilya na naapektuhan ng baha sa iba’t ibang barangay na kinabibilangan ng Roxas (Araneta Avenue); Imelda at Sta. Monica sa Novaliches; Bagong Silangan; Quirino C2; Del Monte ; Commonwealth Avenue; Don Fabian; at Project 4.

Ayon sa mga opisyal ng pamahalaang lunsod, nalunod sa baha sina Andrea Gaviola, dalawang taong gulang; at Jay-R Aguirre, 34, ng Araneta Ave., Barangay Tatalon.

Ilang residente sa Roxas District ang stranded sa bubungan ng kanilang 2-palapag na bahay at humingi ng tulong mula sa search-and-rescue team.

Sa Marikina, umabot sa 5,000 pamilya ang inilikas sa evacuation center dahil sa pagtaas ng tubig sa Marikina River na umabot sa 19-metro, dahilan upang ideklara ang Level 4 Alarm ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan.

Iniulat ng Manila City government na halos 50 porsiyento ng mga lansangan ng siyudad ay lumubog sa baha na halos hanggang tuhod ang lalim.

Umabot sa 400 pamilya ang inilikas sa Geronimo St., Sampaloc; Sta. Mesa Damka; Don Bosco, Sta. Mesa; at Barangay 596 Sta. Mesa, Manila.

Bagamat sinuspinde ang klase at trabaho matapos ideklara ang red rainfall warning sa Metro Manila, marami pa rin ang stranded sa mga lansangan dahil sa kakulangan ng mga sasakyan sa kabila ng pagbuhay ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng operasyong “libreng-sakay” sa mga binahang lugar.