NATUTUWA at excited ang fans ng JaBea love team dahil muli nang magbibida sina Bea Binene at Jake Vargas sa teleserye, ang bagong GMA-7 primetime series na Strawberry Lane.
Bukod sa kilig, kapupulutan din ng inspirasyon at aral ang panibago nilang programa.
Ipapakita sa Strawberry Lane na posibleng malagpasan ang bawat pagsubok sa buhay kung haharapin ang mga ito ng may tapang at pag-asa.
Gaganap si Bea bilang si Clarissa, aspiring fashion designer na bagamat gipit sa buhay ay palagi pa ring masaya. Pero magbabago ang lahat nang magkasakit ang mahal niya sa buhay. Para matustusan ang pangangailangan nito, mapipilitan siyang magnakaw. Kaya ipadadala siya sa Angel’s Haven, ang tuluyan ng juvenile delinquents.
Laging nakatuon ang atensiyon ni Clarissa sa kanyang pamilya kaya wala siyang interes sa romantic love — hanggang sa makilala niya si Gabo (Jake).
Tagalinis si Gabo sa Angel’s Haven. Magiging magkaibigan sila ni Clarissa at palihim na magkakagusto rito. Gaya ni Clarissa, may mga problema rin si Gabo. Isa na rito ang pagiging lasinggo ng tatay niya.
Ganado sina Bea at Jake na pagigihan ang kanilang trabaho dahil sa ganda ng project na ipinagkatiwala sa kanila.
Noong 2012, itinanghal sila bilang Most Promising Love Team for Movies and TV sa 42nd Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation Awards — at Celebrity Couple of the Year sa 2014 Yahoo! Celebrity Awards.
“Proud ako sa Strawberry Lane dahil marami talagang matututunang aral dito, at siyempre mas inspired ako kasi makakasama ko ulit si Jake. Definitely, wala ‘yung part na naiilang kami sa isa’t isa,” sabi ni Bea.
“Sa ganda ng istorya, bata man o matanda, maaantig. Nandoon din siyempre ‘yung kilig factor. Masaya ako na kami pa rin ni Bea ang magkasama,” ani Jake. Kabilang din sa Strawberry Lane sina Kim Rodriguez, Joyce Ching, Joanna Marie Tan, Rita de Guzman, Kiko Estrada, at Jeric Gonzales.
Mapapanood na ang Strawberry Lane ngayong Setyembre sa GMA Telebabad.