Ni NONOY E. LACSON

ZAMBOANGA CITY – Isang Army captain ang napatay habang ilang miyembro ng Abu Sayyaf ang pinaniniwalaang nasugatan sa 10-minutong paglalaban noong Lunes sa Lantawan sa Basilan.

Ayon sa military report, kinilala ang napatay na Army Captain na si Mark Zember Gamboa, ng 4th Special Forces Company.

Napatay si Gamboa sa 10-minutong pakikipaglaban sa Abu Sayyaf sa Barangay Calagasan sa Lantawan, Basilan.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Batay sa report, pinangungunahan ni Gamboa ang tropa ng mga army commando sa isang “security operation” nang makaengkuwentro nila ang grupo ng Abu Sayyaf, sa pangunguna ni Kumander Halang, alyas Jeck.

Ayon sa report, tumagal nang 10 minuto ang paglalaban hanggang sa tumakas ang Abu Sayyaf patungong kabundukan.

Agad namang sumaklolo ang mga helicopter ng Philippine Air Force (PAF) na nanggaling sa Edwin Andrews Air Base sa lungsod na ito.

Nabatid na nagsagawa rin ng air strikes ang PAF laban sa mga tumatakas na miyembro ng Abu Sayyaf.