CALASIAO – Upang maibsan ang pagsisikip ng trapiko sa bayang ito na pinalala ng konstruksiyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa pagpapalawak ng kalsada, ipinag-utos ni Mayor Mark Roy Macanlalay ang panghuhuli sa mga kolorum na tricycle gayundin sa mga pasaway na tricycle driver.

Una nang nagtalaga si Macanlalay ng traffic czar na istriktong magpapatupad sa ordinansa ng pamahalaang bayan sa prangkisa ng tricycle at sa traffic code, at inatasan ang mga traffic enforcer na hulihin ang mga tricycle driver na walang prangkisa at lumalabag sa coding scheme.

Dahil dito, hindi lang mareresolba ang pagsisikip ng trapiko sa Calasiao kundi mapoprotektahan din ang mga pasahero laban sa mga abusadong tricycle driver.

Matatandaang isang driver ng kolorum na tricycle ang nangholdap at nanaksak kamakailan sa 20-anyos niyang pasahero, na nakaligtas naman sa nasabing krimen. - Liezle Basa Iñigo
Eleksyon

'Umpisa na ang himagsikan!' Sam Verzosa, tatakbong mayor ng Maynila