Ipinatupad na ng Senado ang 90-araw na suspensyon kay Senator Juan Ponce Enrile kaugnay sa kasong plunder na isinampa sa kanya at dalawa pang mambabatas noong Lunes.

Ayon kay Senate President Franklin Drilon, wala silang magagawa kundi ipatupad ang kautusan ng Sandiganbayan.

“Today I will implement the order of the Sandiganbayan on the suspension of Senator Enrile. I have no recourse but to implement this, as we received the order of the Sandiganbayan denying the motion for reconsideration of Senator Enrile,” ani Drilon.

Aniya, suspendido na si Enrile mula kahapon, Setyembre 1, 2014 hanggang matapos ang 90-araw matapos ibasura ng Sandiganbayan ang apela ni Enrile.

National

4.4-magnitude na lindol, tumama sa Davao de Oro

Ikinatwiran ng Sandiganbayan na may kakayahan si Enrile na manakot o gumawa ng kaukulang hakbang habang ito ay nakaupo pa bilang mambabatas.

Habang suspendido si Enrile, hindi muna siya makakapagsampa ng mga panukalang batas, lumagda sa mga committee report at wala ring matatanggap na sahod.

Nilinaw ni Drilon na hindi apektado ang mga tauhan ni Enrile at tuloy pa rin ang sahod nila.

“’Yung staff are employees of the Senate, hindi po apektado ‘yan. In fact, these are employees of the Senate. Ang mga empleyado, empleyado ng Senado, at sa kanila naka-detail. ‘Yung co terminus, empleyado ng Senado ‘yan. Hindi empleyadong personal ng mga senador,” paliwanag ni Drilon.

Hinihintay pa din ni Drilon kung ano ang pinal na desisyon ng Sandiganbayan hinggil sa suspensyon naman ng mga nakakulong na sina Sens Jose Estrada at Ramon Bong Revilla Jr. - Leonel Abasola