GINUGUNITA tuwing Agosto 31 ang kaarawan ng isang dakilang Pangulo sa kasaysayan ng Pilipinas, si Pangulong Ramon Magsaysay - ang Kampeon ng masang Pilipino, Democracy and Freedom Fighter. Mula siya sa isang karaniwang pamilya sa Iba, Zambales na namuhay rin tulad ng isang karaniwang mamamayan.

Naging tampok na bahagi ng paggunita at pagdiriwang ng kaarawan ng Pangulong Ramon Magsaysay ang pagkakaloob ng parangal at pagkilala ng Ramon Magsaysay Award Foundation sa mga napiling Asian na nagpakita ng kanilang katangi-tanging paglilingkod sa iba’t ibang larangan. Ngayong taon, isang gurong Pilipino ang kasama sa mga awardee. Ang RM Awards ang katumbas ng Nobel Prize. Sinimulan ito noong Agosto 31, 1958 at may 40 nang Pilipino ang napagkalooban ng parangal.

Si Pangulong Ramon Magsaysay ang unang Defense Secretary na naging Pangulo ng Pilipinas na dumisiplina sa mga kawal at militar. Nagpabalik ng tiwala ng mamamayan sa pamahalaan at bumali ng gulugod ng Hukbalahap. Siya ang tanging Pangulo na nagbukas ng pintuan ng Malacañang sa publiko at sinabing iyon ay pag-aari ng bayan at ang tunay na kapangyarihan ay nasa taumbayan.

Sa panahon ng Pangulong Ramon Magsaysay, puspusang naglingkod sa taumbayan. Hindi nangibang-bansa at nag-aksaya ng dolyar. Hindi rin nagpairal ng nepotismo at kroniyismo sa pamamahala. Nagsikap ang Pangulong Magsaysay na maiangat ang kalagayan sa buhay ng mga mahihirap lalo na ang mga magsasaka. Ginawa rin ang lahat upang ang mga beterano ng digmaan ay magtamo ng mga biyaya at mkapamuhay nang matiwasay.

National

Sen. Bato, isiniwalat na nakiusap siyang dagdagan budget ng OVP: ‘Ayaw tayong pagbigyan!’

Naniniwala si Pangulong Magsaysay na ang mga kapos sa buhay ay dapat punan sa batas. Hindi mga batas na pinagtitibay ng sirkero at payaso sa Kongreso na pahirap, pabigat sa mga mamamayan at pabor lagi sa dayuhan. Ang malinis na konsensiya at taus-pusong pagtulong sa kababayan, lalo na sa karaniwang tao ang naging palatandaan ng administrasyon ni Pangulong Ramon Magsaysay. Ang kanyang legasiya ay lagi nang nakatanim sa puso at isip ng mga Pilipino.