2014 centenarian1

Sinulat at mga larawang kuha ni Rizaldy C. Comanda

NGAYONG araw, Setyembre 1, ipinagdiriwang ng Baguio ang ika-105 taon bilang Chartered City (1909-2014).

Magiging simple lamang ngayong taon ang selebrasyon, subalit magiging makasaysayan para sa apat na centenarian na pararangalan, dahil inabot nila ang 100 taong gulang o higit pa.

National

Bilang ex-DepEd chief: VP Sara, masaya sa naitayong museo sa Camarines Norte

“Hindi lamang sa historical sites ang dapat nating pagtuunan ng pansin kundi ang mga taong ito na malaki ang kontribusyon sa lipunan at pinagpala na mabigyan ng mahabang buhay,” pahayag ni Baguio City Councilor Betty Lourdes Tabanda, chairperson on social services,women and urban poor.

Sa bisa ng City Ordinance No. 45 Series of 2013, na akda ni Coun. Tabanda, kinikilala at binibigyan ng parangal ang centenarian tuwing Baguio Day celebration. Lahat ng magiging 100 years old ay bibigyan ng cash reward na P10,000 at magkakaroon ng monthly medical check-up sa kanilang bahay, pupuntahan sila ng government doctor.

Sa kasalukuyan ay may walo kataong pinakamatanda o kasing-tanda ng siyudad ng Baguio City, kabilang ang apat na pararangalan ngayong taon.

Ang pinakamatanda sa Baguio ay si Fernando Javier, 107 taong gulang, na nakakabasa nang walang reading glass, nakakatayo, mahusay ang pananalita at matalas pa rin ang pag-iisip.

Lolo Fernando-1 copy

Si Lolo Fernando ay ipinanganak ay noong Disyembre 22, 1907 at nagtapos bilang civil engineer sa University of the Philippines-Diliman noong 1933 at naging engineering brigade ng army noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Mas matanda naman sa lungsod ng isang buwan si Lola Nena (Magdalena Datoc-Visperas) na noong Hunyo 30 ay nagdiwang ng kaarawan. Ipinanganak siya sa Vigan City, Ilocos Sur noong Hulyo 30, 1909 at nagtapos ng nursing noong 1930 sa Baguio General Hospital School of Nursing.

Sa kanyang pitong anak, anim ang naninirahan ngayon sa ibang bansa at ang isa ay kasama niya sa bahay na nag-aalaga sa kanya. Apatnapu (40) na ang kanyang mga apo.

Sina Lolo Fernando at Lola Nena ay kabilang sa anim na unang centenarian na pinarangalan noong Setyembre 1, 2011.

Noong 2012 ay kinilala naman bilang centenarian si Pia Virgilia Eucebia L. Balagot-Valdez sa edad na 102, tubong Bauang, La Union at nanirahan sa Camdas Subdivision, Baguio City. Nagpalipat-lipat siyang maglingkod bilang guro sa iba’t ibang paaralan sa lungsod simula noong 1933 umabot ng 44 years.

Noong 2013 naman ay pinarangalan si Mila “Shania” B. Rives-Palispis, 101, ng Barangay Loakan Proper, Baguio City. Nabiyuda siya sa asawa sa edad na 32 at mag-isang itinaguyod ang pag-aaral ng apat na anak hanggang magsitapos at maging professionals.

Ngayong 2014, si Manuela Romero-Flores o Lola Nene, ng Barangay Hillside ay umabot naman sa 100 years old. Isinilang siya noong Marso 4, 1914.

Samantala, si Florentina Tabtab-de Vera, ng Barangay Gibraltar, Baguio City ay naparangalan na sana noong 2012, pero kamakailan lamang nadiskubre na siya pala ngayon ay 102 years old na. Si Petronila Dilim Untalasco naman ay nagdaos ng kanyang ika-100 kaarawan noong nakaraang Mayo 21. Siya ay taga-Barangay Cabinet Hill-Teacher Camp, Baguio City at si Magdalena Hub-on Layog, ay nagdaos din ng ika-100 kaarawan noong Hunyo 8. Siya at taga-Barangay Irisan.