Posibleng maiapela pa ang sentensiyang bitay sa dalawang Pinoy na nahatulan dahil sa ilegal na droga, ayon kay Vice President Jejomar C. Binay.

“Sa pagkakaintindi ko, ang kanilang sentensiya ay hindi pa final and executory at maaari pa silang umapela,” saad sa pahayag ni Binay.

Hiniling ni Binay, na Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers’ Concerns, sa Department of Foreign Affairs (DFA), sa pamamagitan ng Embahada ng Pilipinas sa Hanoi, na tulungan ang dalawang Pinoy.

“Umaasa ako na matutulungan ng DFA sa pamamagitan ng legal assistance habang tinitingnan natin ang iba pang maaaring gawin,” aniya.

National

CHIZmis lang daw? Pagkalas sa liderato ni SP Chiz, itinanggi ng ilang senador

Noong nakaraang linggo, hinatulan ng kamatayan ng isang korte sa Hanoi si Emmanuel Sillo Camacho, 39, dahil sa pagdadala ng 18 pakete ng cocaine na may timbang na 3.4 kilo.

Isa pang Pinoy na si Donna Buenagua Mazon, 39, ang hinatulan ng bitay sa Ho Chi Minh City matapos mahulihan ng 1.5 kilo ng cocaine noong Disyembre 2013. - JC Bello Ruiz