Ni LEONEL ABASOLA

Hiniling ni Senator Grace Poe sa Philippine National Police (PNP) na madaliin ang pagkakaroon ng hotline para sa maagap na pagbibigay ng proteksiyon sa mga miyembro ng media na nagbubunyag ng anumang uri ng katiwalian o anomalya.

Aniya na agad ipatupad ang pagkakaroon ng hotline tungo sa madaliang pagre-report ng mga mamamahayag na may mga panganib sa kanilang buhay kaugnay sa kanilang propesyon.

Internasyonal

DFA, nanawagang itigil ang karahasan sa Syria

Ayon kay Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Information, ito ang tamang panahon upang labanan ang talamak na media violence sa bansa.

“Isang mahalagang hakbang ang pagkakaroon ng media hotline upang mabigyan ng proteksiyon at kapanatagan ang hanay ng mga mamamahayag na nagsisilbing tagapagbantay ng ating demokrasya,” paliwanag ni Poe.

Aniya, sa budget deliberation para sa 2015 proposed budget ng PNP, ay kanyang susuportahan ang pagbibigay ng pondo para sa panukalang media hotline upang matiyak na maipatutupad ng maayos ang naturang programa.

Una nang sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Reuben Theodore Sindac na tutugon sila sa panawagan ni Poe na magkaroon ng direct line ang mga propesyonal na mamamahayag sa pulisya. Ang hotline na ito ay kaiba pa sa kasalukuyang PNP hotline 09178475757.

Batay sa datos ng PNP, simula noong 2001, siyam na katao na ang napatawan ng parusa dahil sa kanilang pagkakasangkot sa iba’t ibang kaso ng pagpaslang sa mga miyembro ng media, kabilang sina Marlene Garcia-Esperat, Edgar Damalerio, Klein Cantoneros, Armando Pace, Rowell Endrinal, Gerardo Ortega at Arecia Padregao.