KAYRAMING isyu at problema ang kinakaharap ng bansa subalit nakapagtatakang ginugulo tayo ng usapin tungkol sa Cha-Cha o pagaamyenda sa 1987 Constitution na ang layunin ay pagkalooban ng term extension ang Pangulo ng Pilipinas. Kung si Pangulong Noynoy Aquino ay malalamuyot ng mga “boses” na bumubulong sa kanya, baka kagalitan siya ni Tita Cory na siyang Pangulo noon nang isulat ang Constitution na roon ay tinatakdang anim na taon lang ang termino ng panunungkulan ng Pangulo. Ang mga “boses” na ito ay iyong nakapaligid sa kanya, mga miyembro ng Liberal Party, at hindi ang kanyang mga “Boss” na naghalal sa kanya noong 2010.

Ipinagdiwang ng bansa ang ika-136 kaarawan ng Ama ng Wikang Pambansa, si ex-Pres. Manuel Quezon noong Agosto 18, nais niyang mapag-isa ang sambayanang Pilipino, magkaintindihan at magkaunawaan sa pamamagitan ng isang wikang pambansa. Walang masama kung pag-aralan man natin ang wikang dayuhan, tulad ng English, pero ang mahalaga ay meron tayong isang wika na naiintindihan ng lahat at hindi na nangangailangan pa ng tagasalin. Taun-taon ay ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wikang Pambansa. Bakit hindi natin ipagdiwang ito araw-araw sa pamamagitan ng paggamit, pagsasalita at pagsulat sa sariling wika?

Noong Agosto 21, 1983 pinaslang si ex-Sen. Ninoy Aquino, ama ni PNoy, matapos makulong sa US. Mismong sa tarmac ng Manila International Airport pinatay si Ninoy. Ang kanyang kamatayan ang naging simula ng malawakang protesta laban sa diktador na si Ferdinand E. Marcos na nagwakas sa 1986 Edsa People Power, na nagluklok kay Tita Cory bilang unang babaeng Pangulo ng bansa.

May kapangyarihan daw ang Kongreso na amyendahan at pawalangsaysay ang multi-bilyong pisong Judicial Development Fund (JDF), itinuturing na “pork barrel” ng hudikatura, na nilikha sa pamamagitan ng PD 1949. Basta pag pinagalit mo si PNoy, gagamitin niya ang taglay na poder para makaganti sa SC na nagdeklarang unconstitutional ang paborito niyang DAP. Sina Tita Cory at Sen. Ninoy ay may mga legacy na iniwan sa bansa bago pumanaw. Ano naman kayang legacy ang iiwanan ni PNoy pagbaba niya sa puwesto sa 2016?
National

Pagkaltas sa budget ng edukasyon at kalusugan, 'di magandang pamasko —Aquino