NOONG Sabado, isang kilusan ng mamamayan ang nagsimula sa Cebu upang ilunsad ang People’s Initiative sa layuning magbalangkas ng isang Act Abolishing the Pork Barrel System. Sapagkat batid na hindi aalisin ng Malacañang at Kongreso ang pork barrel – ang panukalang National Budget para sa 2015, sa katunayan, ay halos one-third lumpsum appropriations na madali namang ilihis – sinabi ng mga organizer ng Cebu rally na ang taumbayan mismo, sa pamamagitan ng People’s Initiative, ay maaaring magpasa ang batas na tatanggihang aprubahan ng mga mambabatas at pagkatapos pagtitibayin ito sa pamamagitan ng isang referendum.

Ang People’s Congress sa Cebu ay suportado ng lipunan, kasama ang mga opisyal ng Simbahang Katoliko na kabilang si Catholic Bishops Conference of the Philippines President Socrates Villegas, ang Iglesia Filipina Independiente, ang National Council of Churches of the Philippines, at si dating Chief Justice Renato Puno. Magsusumite ang People’s Congress ng isang panukalang batas laban a pork barrel sa mga mamamayan sa Plaza Independencia para sa pagsisimula ng isang malawakang signature campaign. Ang paraang ito ng pagpapasa ng batas ay nakatadhana sa Konstitusyon, na ipinatutupad sa bisa ng Republic Act 635.

Ang Cebu National Congress ay simula ng maraming araw ng protesta at isa lamang ang pork barrel sa mga isyu na nagpapakilos sa taumbayan na magsalita at gumawa ng hakbang. Ngayon, magtitipun-tipon ang iba’t ibang organisasyon sa pulitika sa Luneta sa Manila upang iprotesta ang mas malawak na mga isyu, kapilang ang pagtanggi sa charter change at term extention na iniuugnay sa issue ng pork barrel.

Ito ang unang taon ng Million People March na sa pamamagitan nito unang ipinahayag ng taumbayan ang kanilang pagkadismaya at protesta laban sa mga pang-aabuso sa pork barrel system. Magpapatuloy ang mga protesta sa susunod na mga araw, ayon sa mga organizer. May mga pagtatangka ring magtitipun-tipon sila sa harap ng Malacañang.

National

Ikinakasang rally ng INC kontra impeachment kay VP Sara, pinaghahandaan na ng MMDA

Totoo ngang mayroong hindi tiyak na pagkakataon at umaasa tayo mananatiling mapayapa ang pagpoprotesta ng malawakang kilusang ito lalo na ang pagtitipun-tipon ng mga ito sa bakuran ng Malacañang. Ang mga protestang ito ay lehitimong reaksiyon ng mga mamamayan sa waring di pagkilos – o maging ng pagsalungat – ng ating mga opisyal sa mga paglalantad ng malawakang paglilihis ng pondo ng bayan.

Kailangang makita nina Pangulong Aquino at ng iba pa nating opisyal na ang mga ito ay hindi pagkilos ng political partisan, tulad ng ginagawa ng ilang kongresista at mga miyembro ng gabinete na naghahangad ng pagpapalawig ng kanilang pananatili sa puwesto. Mas mainam pa para sa Pangulo na makipagpulong sa mga protest leader – kung maaga pa, mas mabuti, at alamin ang kanilang mga hinaing, at kumilos upang maresolba ang mga iyon.