Ni CHARISSA LUCI

SINUPORTAHAN ng iba’t ibang sektor ang isinusulong sa Kamara na pagpapataw ng 10-percent ad valorem tax sa soft drinks at sa lahat ng sweetened beverages.

Kabilang sa mga nagsusulong sa nasabing panukalang batas ang Department of Health (DoH), Department of Finance (DOF) at academic experts na tinukoy ang health risks at depletion of resources.

Isinapormal noong Martes ni Dr. Ma. Elizabeth Caluag, pinuno ng Lifestyle Disease Prevention bureau ng DoH, ang all-out support ng kagawaran sa House Bill 3365, na inihain ni Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing.

Metro

Doktor, patay nang tikman umano ang inuming ipinadala ng pasyente

Sinabi niya na sa susunod na taon, magsasagawa ang DoH ng masusing pag-aaral sa mga gabay at polisiya na magbabawas sa labis-labis na pagkonsumo ng tao sa soft drinks, carbonated drinks at iba pang sweetened beverages.

Ipinaliwanag ni Caluag na layunin ng polisiya ng DoH sa pagpapatupad ng healthy lifestyle ang maiwasan ang mga sakit, gaya ng diabetes at kidney disorder. Ipinakita sa talaan ng DoH na tatlong milyong Pinoy ang apektado ng diabetes.

Sinabi naman ni Suansing, may-akda ng bill, na ang mga sangkap—aspartame at caramel coloring—sa soft drinks at high fructose corn syrup sa sweetened beverages ay may masamang epekto sa kalusugan.

Sa pagdinig, sinabi ni Finance Assistant Secretary Emilia Soledad Cruz na target ng gobyerno na makalikom ng P10.77 bilyong karagdagang buwis mula sa ipapataw na 10 percent ad valorem tax.

KONTRA SA PANUKALANG BATAS

Samantala, sinabi ni Adel Tamano, kumakatawan sa Beverage Industry Association of the Philippines (BIAP), na labis na tinututulan ng industriya ang “anti-poor” tax measure.

“Taxation will not solve obesity among the Filipinos,” aniya sa panel, na pinamumunian ni Marikina Rep. Miro Quimbo.

Nagbabala si Tamano na ang panukala ay magkakaroon ng “negative impact on the economy.” Sinabi niya na 25,000 ang nagtatrabaho sa beverages industry, gayundin ang 1.2 milyong micro-entrepreneurs na maaapektuhan sa oras na ipasa ng Kongreso ang panukala.

Binigyang-diin din niya ang posibleng epekto ng bill sa local sugar industry dahil 60 hanggang 70 porsiyento ng locally produced sugar ay binibili ng beverages industry.

PAGKAUBOS NG WATER RESOURCES

Samantala, nagpahayag ng suporta si Dr. Cielo Magno ng University of the Philippines School of Economics, sa panukala, sinabing ang pagtaas ng konsumo sa soft drinks ay magreresulta sa pagkaubos ng water resources ng bansa.

Sinabi niya na mas maraming soft drinks ang napo-produce, mas marami ang mababawas sa ating water resources. Tinukoy ang pag-aaral sa India, sinabi ni Magno na ang bawat kalahating litro ng soft drinks ay nangangailangan ng 150-300 litro ng tubig.

NO TO BAN

Tinukoy ni Magno ang mga pag-aaral sa Amerika na nagpapakita na ang pagpapataw ng mahigit pitong porsiyentong buwis ay nangangahulugan ng 24-porsiyentong pagbaba sa konsumo ng sweetened beverages.

“The goal is not to ban it, but to make it more expensive. We agree that the proceeds would go to the rehabilitation fund for calamity victims. And we should include public education to make people aware of its harmful effects when there is excessive intake of soft drinks,” aniya.

Sinabi naman ni Dr. Rodolfo Florentino, dating director ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI), na dapat ay mayroong “series of studies” na tutukoy kung ang substances sa carbonated drinks at sweetened beverages ay masama sa kalusugan.