Nagpapasaklolo sa Korte Suprema ang world boxing champion na si Saranggani Rep. Manny “Pacman” Pacquiao at ang kanyang maybahay na si Jinkee para baligtarin ang kautusan ng Court of Tax Appeals (CTA) nanag-aatas sa kanila na maglagak ng P3 bilyon cash bond o P4 bilyong surety bond para mapigil ang ahensiya sa pagkolekta ng P2 bilyon halaga ng buwis.

Sa inihaing petition for certiorari, hiniling ng mag-asawang Pacquiao na magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order laban sa pagpapatupad ng July 11 resolution ng CTA na nagbasura sa kanilang motion for partial reconsideration.

Sa kinukuwestiyong resolusyon ng CTA, wala umanong merito ang apela ng mag-asawang Pacquiao.

Binigyan ng CTA ang mag-asawa ng 30 araw para maglagak ng cash bond na nagkakahalaga ng P3.2 bilyon o kaya ay surety bond na P4.9 bilyon.

National

OVP, nagsalita na hinggil sa hindi nila pagdalo sa budget hearing ng Kamara

Nag-ugat ang nasabing kaso sa inihaing petisyon ni Pacquiao sa CTA para mapawalang-bisa ang warrant of distraint and levy at garnishment na ipinalabas ng BIR laban sa kanyang mga bank account dahil sa kabiguan umano ng kongresista na magbayad ng tamang buwis.

Sa bisa ng warrant of distraint and levy (WDL) ay hindi maaaring magalaw ang pera ni Pacquiao sa mga bangko na sakop ng nasabing direktiba.

Una nang nanindigan ang BIR na mahigit P2 bilyon pa ang utang sa buwis ni Pacquiao.

Pero giit ni Pacman, nagbayad siya ng tamang buwis mula sa kanyang mga laban kina Ricky Hatton, Oscar de la Hoya, David Diaz at Miguel Cotto sa Amerika.