Makalipas ang first elimination round, namuno ang team captain ng Ateneo de Manila University (ADMU) na si Kiefer Ravena sa karera para sa Most Valuable Player award sa ginaganap na UAAP Season 77 basketball tournament.

Makaraan ang unang pitong laro, nagposte si Ravena ng kabuuang 80 statistical points base na rin sa statistics na inilabas ng official statistician ng liga na Imperium Technology kung saan ay katulong rin ang Smart Bro. 

Gaya ng inaasahan, si Ravena ang siyang namuno para sa Blue Eagles sa kanilang nakaraang pitong laban, partikular sa kanilang naging overtime win laban sa season host University of the East (UE) na dito ay nagtala siya ng kanyang personal best na 38 puntos na malayo sa kanyang dating career high na 29 puntos na ipinoste niya kontra sa defending champion De La Salle University (DLSU) noong Hulyo 20.

Bunga nito, nangingibabaw ngayon si Ravena sa mga kandidato para sa naturang  prestihiyosong award na nakahulagpos sa kanyang mga kamay noong nakaraang 74th at 75th season nang matalo siya ni dating National University (NU) ace Bobby Ray Parks at dating Far Eastern University (FEU) guard Terrence Romeo noong nakalipas na taon, ayon sa pagkakasunod.

National

Magnitude 4.3 na lindol, tumama sa Davao Occidental

Sa pangunguna ni Ravena, nakopo din ng Blue Eagles ang solong pangingibabaw na hawak ang barahang 6-1 (panalo-talo) sa pagtatapos ng unang round.

Pumangalawa naman sa kanya ngunit may malayong agwat si La Salle team captain Jeron Teng na nakapagtala ng 61.7143 SPs, pumangatlo ang kanyang teammate na si Chris Newsome na may 60.4286 SPs, ikaapat si Mark Belo ng FEU na may 57.7143 SPs at ikalima si University of Santo Tomas (UST) center  Karim Abdul na may 56.1667 SPs.

Kabilang din sa top ten candidates sina Alfred Aroga ng National University (NU) (55.4286), Mike Tolomia ng FEU (55.1426), rookie Arvin Tolentino ng Ateneo (53.4286), Troy Rosario ng NU (53.2857) at Jason Perkins ng La Salle (50).