Ni ZALDY COMANDA

BAGUIO CITY – Muling pinaalalahanan ng Mines and Geo-Sciences Bureau ang mga residente ng Cordillera, lalo na ang highly urbanized city, na mag-ingat sa mga landslide ngayong tag-ulan.

“Patuloy ang ginagawa naming precaution sa mga lugar na classified as susceptible to landslide, lalo na yong mga nasa slooping areas at alam naman natin dito sa Baguio ay malaking bahagi ang nasa critical area,” pahayag ni Fay Apil, officer in charge ng MGB-Cordillera.

Aniya, malimit maranasan ang pagulan sa Cordillera at ang patuloy na pagulan ang nagiging sanhi ng landslide, dahil sa kakulangan ng mga drainage system.

Eleksyon

TINGNAN: Listahan ng mga aspirants na nag-file ng COC at CONA ngayong Oct. 3

“Kailangan ngayong tag-ulan ay bantayan ng ating mga residente ang kanilang lugar, lalo na ang mga nakatira sa gilid ng bundok, dahil sa kawalan ng water drainage ay posibleng kainin ng tubig ang lupa na magdudulot ng pagtibak ng bundok,” wika ni Apil.

Ayon pa kay Apil, mas mainam na pansamantalang lisanin ang lugar na prone sa landslide kapag malakas ang ulan, upang makaiwas sa sakuna. Malaking epekto din umano ang ginagawang excavation sa mga kabundukan para lang magpatayo ng mga commercial o residential building.

“Ang nangyayari kasi ngayon halos wala nang kontrol sa pagtatayo ng building. Pilit na ginigiba ang isang bundok para lang pumatag ito at iba naman kahit malalim yong lugar ay pilit na pinapantay ang istruktura sa kalsada,” aniya.

Patuloy ang pagdami ng residential at commercial structure sa Baguio City, isang palatandaan ng kaunlaran.

“Aminado tayo dyan, pero kailangan ang ibayong pag-iingat ngayong panahon ng tag-ulan, dahil hindi natin alam ang kapalaran ng isang bundok na nasira dahil lamang sa development, na magdudulot ng kapahamakan sa nakakarami,” dugtong niya.