ANG kapistahan ni Saint Dominic, ang nagtatag ng Order of Preachers (tinatawag ding Dominicans), ay ipinagdiriwang tuwing Agosto 8. Siya ang patron ng mga scientist, astronomer, at ng astronomy, kilala sa kanyang dedikasyon sa edukasyon, at sa pagpapalaganap ng karunungan sa buong buhay niya. Kilala rin siya bilang Saint Dominic De Guzman at Dominic of Caleruega. Ipinagdiriwang ang kanyang kapistahan sa Pilipinas ng Dominican community na nangangasiwa ng maraming paaralan tulad ng University of Santo Tomas at Colegio de San Juan de Letran at mga simbahan tulad ng Santo Domingo Church.

Iniuugnay sa mga pangaral ni Saint Dominic ang pagpapalaganap ng debosyon sa rosaryo. Ayon sa isang alamat, nagpakita ang Mahal na Birheng Maria kay Saint Dominic sa Prouille Church sa France noong 1208 at binigyan siya ng rosaryo. Sa loob ng maraming siglo, naging sentro ng Dominican Order ang rosaryo. Naging instrumental ang mga Dominican sa pagpapalaganap ng rosaryo at paniniwalang Katoliko sa kapangyarihan niyon. Idinaraos ang 15 Martes patungo sa kapistahan ni Saint Dominic mula pa nong ika-17 siglo na naglalaan ng panalangin para sa kanyang buhay.

Isinilang sa Caleruega, Spain, noong 1170, si Saint Dominic ay anak nina Felix Guzman at Joanna de Aza. Una niyang naging guro ang kanyang paring tiyo bago siya pumasok sa University of Palencia nag-aral ng arts at theology sa loob ng sampung taon. Pagkatapos ng kanyang ordinasyon bilang pari, nakilahok siya sa pagbabago sa lokal na simbahan. Namuhay siyang tahimik at may kababang-loob na dedikado sa Diyos, naglalakbay na mag-isa at madalas na walang sapatos. Siyam na taon siyang namalagi sa Osma at namuhay doon sa panalangin bago siya sumama kay Bishop Diego de Acebo sa isang misyon para kay King Alfonso IX de Castile noong 1203. Habang naglalakbay siya sa France kasama ang obispo, binalak niyang magtatag ng isang religious order, nakipagdebate siya hinggil sa doktrina at nagtayo ng isang kumbento para sa mga babaeng Dominican. Nangaral siya mula 1208 hanggang 1215.

Noong 1214, nagbalik si Dominic sa Tolouse at inaprubahan ng obispo ang kanyang plano para sa isang order na dedikado sa pangangaral. Natamo niya at kanyang mga tagasunod ang pagkilala bilang isang religious congregation. Nagpunta siya sa Roma kasama ang obispo ng Tolouse para sa isang ecumenical council noong 1215. Natamo niya ang pahintulot ng papa para sa kanyang plano noong 1216, at pinangalanan siya bilang chief theologian ng papa. Lumawak ang Order of Preachers sa Europe noong 1218.

Internasyonal

Mga Pinoy na ilegal na naninirahan sa Amerika, binalaan ng PH Ambassador

Sa mga huling taon ni Saint Dominic, pinatatag niya ang order at mga misyon ng pangangaral kung saan naiulat na napabalik-loob niya ang mahigit 100,000 katao. Pumanaw siya sa Italy noong Agosto 6, 1221 at na-canonize noong 1234 ni Pope Gregory IX. Ang kanyang relics ay nasa isang libingan sa Santo Domingo Church sa Bologna, Italy.