NI JEFFREY G. DAMICOG
Inamin kahapon ni pork barrel scam whistleblower Benhur Luy sa Sandiganbayan na ang kanyang mga transaksiyon sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ay walang kaukulang special power of attorney (SPA) mula kay Janet Lim Napoles.
Sa kanyang testimonya sa pagdinig sa plunder case na kinahaharap ni Napoles sa Sandiganbayan First Division, tanging mga verbal instruction mula kay Napoles ang kanyang pakikipagtransaksiyon sa mga ahensiya ng gobyerno upang makakuha ng pondo mula sa Fund (PDAF) at inilaan sa mga bogus non-government organization (NGO).
“Puwede ba makipag-deal ang private individual sa gobyerno na walang special power of attorney (SPA)? ‘Di ba? Hindi naman puwede iyon,” tanong ni Stephen David, abogado ni Napoles sa panayam ng media.
Kasama ni Napoles na kinasuhan ng pandarambong sa Sandiganbayan First Division si Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. na kasalukuyang nakapiit sa Camp Crame.
Sa pagdinig, inamin ni Luy na nilagdaan niya ang mga dokumento bilang pangulo ng Social Development Program for Farmers (SDPF), isa sa mga sinasabing pekeng NGO ni Napoles, na walang SPA mula sa kontrobersiyal na negosyante.
Maging ang kanyang pagkakatalaga bilang SDPF ni Napoles ay base rin sa verbal instruction ng ginang, ayon sa testimonya ni Luy.
Sa kabila nito, iginiit ng testigo na si Napoles ang personal na nakikipagtransaksyon sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, kabilang ang National Agribusiness Corporation (NABCOR) upang makakulimbat sa PDAF.
“Iniisa-isa ko ang mga dokumento pero wala namang pirma si Mrs. Napoles, puro siya (Luy) naman ang nakapirma,” sabi ni David sa mga mamamahayag.