Pinayagan ng Sandiganbayan si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo (GMA) na magparehistro sa voter registration ng Commission on Elections (Comelec).

Subalit hindi ito nangangahulugan na makalalabas si GMA sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) kung saan siya naka-hospital arrest.

Sa halip, ipinag-utos ng Sandiganbayan First Division kay Pampanga Election Officer Leonilo Paule Miguel o kinatawan nito na isagawa ang voter-list reactivation at biometrics validation ni GMA sa VMMC bago Oktubre 15.

Nilagdaan ni First Division Chairman Efren Dela Cruz at nina Associate Justice Rodolfo Ponferada at Rafael Lagos, nakasaad din sa resolusyon na inaatasan si Miguel na ipaalam sa Korte kung tapos na ang proseso ng pagpaparehistro ni GMA sa loob ng limang araw matapos itong maisagawa.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Una nang naghain sa Sandiganbayan ang kampo ni GMA na payagan siyang makapagparehistro para sa eleksiyon matapos makatanggap ang dating Pangulo ng abiso mula sa election officer ng Lubao na inalis na ang kanyang pangalan bilang rehistradong botante sa kanyang distrito dahil sa kabiguan nitong makaboto sa dalawang nakaraang halalan. - Jeffrey G. Damicog