Isinalba ni GM Julio Catalino Sadorra ang Philippine Men’s Chess Team sa maigting na upset na panalo kontra Chile, 2½ - 1½, sa ikalimang round upang ibalik sa kontensiyon ang kampanya ng bansa sa ginaganap na 41st Chess Olympiad sa Tromzo, Norway.
Binigo ng US-based ngunit piniling maglaro para sa Pilipinas na si Sadorra (2590) sa Board 1 ang kapwa GM na si Rodrigo Vasquez Schroeder (2533) para sa importanteng panalo na tumabon sa nalasap na dalawang sunod na kabiguan ng koponan.
Ang panalo ng 52nd seed na Pilipinas ang nag-angat sa bansa sa pangkalahatang ika-42 puwesto sa 139 kasaling bansa sa natipong kabuuang 11.5 puntos matapos ang limang laro.
Nakipaghatian lamang ng puntos si GM John Paul Gomez (2526) sa Board 2 kay GM Mauricio Flores Rios (2537), si GM Eugene Torre (2438) sa Board 3 kay IM Cristobal Henriquez Villagra (2457) gayundin si FM Paolo Bersamina (2363) kontra kay FM Pablo Salinas Herrera (2398).
Kasunod na makakalaban ng PH Men’s Team ang 41st seed na Austria na may natipong 14 putnos sa anim na laro. Ang Austria ay binubuo nina GM David Smerdon (2513), IM Moulthun Ly (2462), IM Max Illingworth (2439), FM Junta Ikeda (2402) at FM Anton Smirnov (2334).
Muli namang nakalasap ng kabiguan ang 43rd seed Women’s Teams sa kamay ng 14th seed na Bulgaria, ½ - 3½, na naghulog dito sa ika-64 puwesto sa natipon lamang na 10 puntos.
Tanging nakakuha ng kalahating puntos ang Pilipinas mula sa tinanghal na 2013 UAAP MVP na si WIM Jan Jodiliyn Fronda, na nakipagtabla kay WGM Adriana Nikolova (2325) sa Board 3.
Nabigo naman si WIM Chardine Cheradee Camacho (2214) kay GM Antoaneta Stefanova (2505) gayundin si Janelle Mae Frayna (2205) kay WGM Iva Videnova (2325). Hindi din nakaporma si Christy Lamiel Bernales (2055) kontra kay WGM Margaria Voiska (2279).
Asam naman ni Frayna, itinala ang natatanging kasaysayan sapul ng buuin ang Philippine Chess Federation noong 1957, na maging unang woman chess player na nakaabot sa national chess men’s championships na nakuwalipika sa semifinals sa ika-anim na puwesto at makakuha ng isa pang GM norm.
Unang itinala ni Frayna ang rekord bilang unang Pilipina na nakaabot sa Woman Grandmaster norm sa ginanap na Battle of Grandmasters noong Hulyo bago magtungo sa Olympiad.
Sunod na makakasagupa ng Pilipinas ang United Arab Emirates na may natipong 8.5 puntos. Ang 95th seed na UAE ay binubuo nina WIM Essa Al-Zarouni Kholoud Essa (1862), WIM Amna Nouman (1869), Al-Zarouni Aisha (1689), Ali Abeer (1657) at si WFM Salma Al Dhaffari Salma (1599).