MAY dalawang taon pa bago pa ang susunod na presidential elections sa Mayo 2016, ngunit laman na ng mga usapan sa mga umpukan ang mga kandidaturang nasa front page ng mga pahayagan at online. Dahilan nito ang pagkahumaling ng mga Pilipino sa pulitika kung kaya may bahid ng katotohanan ang kasabihang nagsisimula na ang susunod na kampanya sa pagkatapos ng eleksiyon.

Sa ating palagay, maaagang pinag-uusapan ng ating mga kababayan ang eleksiyon bilang pahinga sa mabibigat na balita sa loob at labas ng bansa. May pinangangambahang Ebola virus na wala pang lunas, na kumakalat na sa Africa na maaaring humantong sa ating bansa. Hindi makatakas ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Libya bunga ng marahas na hidwaan, ngunit marami pa ang mas nagnanais na manatili roon at harapin na lang ang panganib kaysa magbalik sa Pilipinas dahil wala namang naghihintay na trabaho rito para sa kanila.

Sa Pilipinas, may pangambang magkakaroon ng bagong karahasan sa Mindanao dahil sa di pagkakaunawaan sa Bangsamoro peace deal. Ang mapait na pagtatalo sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) at sa Disbursement Acceleration Program (DAP) na kinasasangkutan ng bilyun-bilyong piso sa kinukuwestiyong mga alokasyon ang nagpapatuloy. At ngayon lumutang ang bagong bilyong pisong mga kontrobersiya hinggil sa panukalang National Budget para sa 2015.

Sa gitna ng lahat ng ito, mas maginhawa pa ang pag-usapan ang eleksiyon, at malamang na mas nakaaaliw pa. Sa sandaling ito, nangunguna si Vice President Jejomar C. Binay na may 41% sa huling survey kumpara sa 12% sa kanyang pinakamalapit na katunggali. Ang Liberal Party (LP), ang dominanteng partido ngayon, ay desperado sa paghahanap ng maaaring tumapat kay Binay. Kailangang mabatid nito na mula nang winakasan ng Martial Law ang two-party system noong 1972, ang nagwaging partido ng pangulo ang naging dominante – ang Kilusang Bagong Lipunan na sinundan ng Laban ng Demokratikong Pilipinio, at ng Lakas-NUCD, ang Lakas-CMD, at ngayon ang LP – na kailangang maging handa na isuko ang karangalan marahil sa United Nationalist Alliance (UNA) ni Binay.

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'

Parang may online campaign para sa pangalawang termino ni Pangulong Aquino ngunit agad naman itong pinatahimik ni Bishop Broderick Pabillo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na nagbigay-diin na kailangan na ng isang bagong liderato. Idineklara ng Pangulo mismo na wala siyang interes na tumakbong muli. Wala talagang saysay ang pag-usapan pa ang reeleksiyon sapagkat nakatadhana sa Konstitusyon ang iisang anim na taon na termino kada pangulo, walang reeleksiyon.

Gayunman, katanggap-tanggap ang pagkakaroon ng interes sa eleksiyon. Ito ay isang hudyat na yumayabong ang ating demokrasya at sa gitna ng lahat ng ating problema, gumagana ang ating sistema at nagsisikap tayo, buháy bilang isang mamamayan.