Dahil sa walang humpay na hiling ng kanyang Filipino fan base, ang mga tiket para sa nakatakdang basketball fundraiser ni Allen Iverson sa Manila ay mabibili na sa box office ng mas maaga sa nakaiskedyul.
Unang itinakdang ibenta sa Agosto 15, inanunsiyo ng event presenter na PCWorx na ang mga tiket para sa “All In” charity basketball event ni Iverson na idaraos sa Nobyembre 5 sa Mall of Asia Arena ay mabibili na sa lahat ng outlet ng SM Tickets at sangay ng PCWorx umpisa ngayong araw (Agosto 8).
“Since we launched the event last August 1st, we’ve received countless inquiries about the availability of tickets. There were many requests for tickets to be available much earlier, so we did everything we can to make it possible,” saad ni Jessel Fesarit, marketing head ng PCWorx.
Ang pinakamahal na tiket ay mabibili sa halagang P6,500 (VIP) habang P600 sa general admission naman ang pinakamura. Ang iba pang ticket prices ay ang sumusunod: P5,500 (patron), P4,000 (lower box) at P3,000 (upper box).
Si Iverson, ang top rookie pick ng NBA noong 1996 Draft at isang 11-time All-Star, ay bibisita sa Manila sa Nobyembre para sa isang exhibition game na layong makakalap ng pondo para sa Gawad Kalinga. Mula sa pagsasagawa ng mga makapigilhiningang plays sa loob ng court, susubukan naman niya ang galing sa coaching sa kanyang paggiya sa Ball Up Streetball crew na lalabanan naman ang isang koponan na bubuuin ng mga pinakamalaking pangalan sa UAAP at NCAA at maging ng ilang Philippine basketball legends.
Ang pinal na komposisyon ng local selection ay malalaman sa mga darating na araw.