Erik Santos

DUMALO kami sa gala night ng 10th Cinemalaya Film Festival para sa Separados sa CCP main theater noong Linggo ng gabi at nakitang pinagkakaguluhan ng fans si Erik Santos at nagpapa-picture pa at nang makita kami ay tinanong kami ng, “Manonood ka ba ngayon, Ate? ‘Wag mo ko pagtatawanan ha? Hindi kasi ako nakakatawa dito, seryosong aktor ako.”

‘Ano ba ang role mo?’ tanong namin sa kanya.

“Battered husband,” nakangiting sagot niya. “Ayaw kita manood ngayon kasi baka kung anu-ano isulat mo, napakatotoo mo pa naman.”

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang binabanggit ni Erik na huwag naming pagtatawanan ay ang panggugulpi sa kanya ng gumaganap na asawa niyang si Iwa Moto kaya nagmukha siyang basang sisiw.

Mabait at masunuring asawa ang role ni Erik, pareho silang nagtatrabaho sa call center at kasamahan nila si K-La Rivera na bago sa trabaho kaya nagpapaturo kay Erik. Hindi iyon nagugustuhan ni Iwa na supervisor nila kaya pagdating ng bahay ay gulpi sarado ang singer.

Pero talaga naman palang matatawa kami pati na ang halos lahat ng mga nanood nang gabing iyon ay naghalakhakan dahil parang bata si Erik habang pinapagalitan at ginugulpi ng asawa.

Sa kuwento ng Separados, pangarap maging singer ni Erik na sumali sa boy band pero hindi nagtagumpay. Nakilala at napangasawa si Iwa na tumulong sa kanya pero kalaunan ay gustong hiwalayan dahil hindi na niya kinaya ang panggugulpi sa kanya.

Ang pagkasira ng gitarang may sentimental value kay Erik ang nagbunsod para tuluyan na niyang iwan si Iwa.

Habang pinapanood namin ang episode ni Erik ay iniisip namin kung sino ang nakarelasyon ni Direk GB Sampedro na ganoon ang naging trato sa kanya, dahil sabi nga niya, eh, inspired ng personal niyang buhay ang kuwento ng pelikula niya. May naisip na kami kung sino si Iwa sa mga naging karelasyon ni Direk GB pero hindi na lang namin babanggitin dahil baka maging daan pa ito ng gulo, tutal pareho na silang nananahimik.

Napaisip din kami kung sino ang nakarelasyon ni Direk GB sa episode naman nina Jason Abalos at asawang adik na si Althea Vega dahil hindi naman namin nabalitaang naging adiktus ang una. Pero ‘tila iisang babae ang inilalarawan dito at sa episode ni Erik at ni Iwa na bandang huli ay naging bayolente at may suicidal tendency.

Sa episode naman nina Alfred Vargas at Diana Zubiri na nagkaroon ng affair sa pari ang huli, pakiramdam namin ay dagdag na lang ng sumulat ng kuwento o personal niyang karanasan, tama ba, Erik Ramos? Naging alcoholic si Alfred dahil nahuli niya ang asawa na nakikipagtalik sa pari. Simula rin noon ay ayaw na niyang magsimba kahit na anong yaya sa kanya ng asawa. Nagpa-rehab si Alfred at gumaling naman, at kalaunan ay hiniwalayan ang asawa.

Feeling namin ay dagdag na kuwento rin ang episode nina Ricky Davao at Melissa Mendez para pampasaya lang kasi late bloomer na bading ang aktor na hindi nakatiis kaya umamin sa asawa. Imposible namang closet gay si Direk GB dahil sa pagkakakilala namin sa kanya ay wala namang bakas, puro lang tsismis. Hmmm, baka nga late blommer ka, Direk, ha-ha-ha, joke!

Teka, hindi kaya ang sumulat ang may personal na kuwento rito sa closet gay, Erik Ramos?

Ano naman kaya ang papel ni Anjo Yllana sa buhay ni Direk GB, e, hindi naman siya iresponsableng ama at asawa? Nagkataon lang na separated na ang direktor sa asawa at ina ng mga anak niya. Sabi nga namin, baka pampadagdag saya lang kasi nga nakakatuwa naman si Anjo na walang ginawa kundi magkukuha sa kanyang digicam ng mga babaeng type at nakaka-sex niya. Parang mas type niyang maging photographer kaysa sumakay ng barko na trabaho niya.

Kaya galit ang asawang si Sharmaine Arnaiz at pumayag nang makipaghiwalay sa kanya at later on ay nakatagpo ng lalaking masasandalan, kuwento ba ulit ito ng sumulat, Erik Ramos?

Sigurado naman kami kung sino ang ginagampanan ni Angel Jacob bilang Pia sa buhay ni Direk GB, na nahiwalay pero maganda ang relasyon dahil naging magkaibigan. Ang tunay na asawa’t ina ng mga anak ng direktor, na dating executive ng isang recording company.

Sa kuwento ay si Victor Neri ang asawa ni Angel pero hindi sila magkasundo sa sex. Hindi naman siguro ganito ang totoong dahilan ng paghihiwalay nina Direk GB at asawa niya dahil marami silang anak, ‘no?

But kidding aside, muling ikinasal si Victor kay Ritz Azul na anak nina Ricky at Melissa na ang feeling namin ay ito ang pangarap ni Direk GB na muli siyang bigyan ng chance na makasal ulit sa babaeng mamahalin niya at aalagaan.

Ikaw ba ito, Ritz?

Walang itulak-kabigin sa magagaling na artistang nagsiganap, panalo ang aspetong teknikal, ang galing ng pagkakatahi-tahi ng mga istorya kaya kataka-taka kung paano natapos sa loob ng pitong araw ang pelikulang ito.

Masyado lang napakahaba at napakaraming istorya, nakakabagot panoorin kung hindi ka fan ng ibang artistang nagsiganap, kaya wala nang impact.

Ang natandaan namin ay ang kuwento ni Erik Santos na binubugbog ng asawa, ha-ha-ha! Kasi nagtatawanan talaga ang lahat ng mga nanonood. Alam mo naman ang mga Pinoy, gusto nila ng bugbugan, duguan at patayan. ‘Yan ang tatak indie.