Inaasahan na ang pagdating sa bansa ng 95 overseas Filipino worker (OFW) na ligtas na nakatawid sakay ng bus sa hangganan ng Libya at Ras Ajdir, Tunisia noong Hulyo 31.

Kamakalawa personal na nakasalamuha ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Albert Del Rosario ang grupo ng Pinoy sa Djerba at kinumpirmang naghihintay na lamang ang mga ito ng kanilang flight pauwi ng Pilipinas kahapon.

Muling hinikayat ni Del Rosario ang mga Pinoy worker na magmalasakit sa pagkumbinsi sa kapwa Pinoy sa Libya na agad na umuwi sa Pilipinas sa pamamagitan ng mandatory repatriation program.

Inihayag pa nito na maagang isinara ang hangganan sa pagitan ng Tunisia at Libya dahil sa nangyaring pamamaril noong Hulyo 31 kaya nagpanik ang mga tao sa pagtangkang makalikas sa Libya.

National

3 weather systems, patuloy na nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Ilang buwan na rin sarado ang hangganan ng Libya at Egypt sa As Salloum maging ang pangunahing mga paliparan kaya lumiliit na ang pamimilian para sa repatriation.

Tiniyak ng DFA chief sa susunod na mga araw ay handa na ang kinontratang barko na gagamitin sa pagsundo at paglilikas sa mga Pinoy sa Benghazi, Misrata at posibleng sa Tripoli sa Libya pabalik ng Malta na transit point para sa flights patungong Manila.

Tinatayang may 13,000 OFW ang nasa Libya habang 800 rito ang nakauwi na sa Pilipinas noong nakalipas na mga linggo.

Mahigit 200 Pinoy ang nasa Embahada ng Pilipinas sa Tripoli kung saan minamandali na ang pagproseso sa kanilang repatriation at patuloy sa pagdami ng bilang nito.