Dahil sa hindi maagang abiso, iniutos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipagpaliban muna ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang 45-day repair work sa Sucat Interchange sa Parañaque na dapat sanang simulan ngayong Sabado.

Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez, ipinahinto ng MMDA sa DPWH ang rehabilitasyon sa tulay matapos mabigo na maagang abisuhan ng kagawaran ang pamahalaang lungsod.

Nabatid na nitong Biyernes lang natanggap ni Olivarez ang liham mula sa isang DPWH district engineer hinggil sa planong rehabilitasyon at nabatid lang ng MMDA ang proyekto matapos magpalabas ng advisory ang alkalde sa posibleng pagkakabuhol-buhol ng trapiko sa lugar.

Napag-alaman na kahit ipinagpaliban ang pagkukumpuni ng tulay, matindi pa rin ang trapiko sa Dr. A. Santos Avenue (Sucat Road), Ninoy Aquino Avenue at East at West Service Roads ng Southern Luzon Expressway.

National

OVP, nagpaliwanag hinggil sa 'casual meeting' nina VP Sara at Ex-VP Leni sa Naga

Sinabi ni Olivarez na ang planong truck ban ay nakapaloob sa city ordinance at hindi pa fully implemented sa lungsod partikular, sa bahagi na malapit sa Ninoy Aquino International Airport.

Ayon sa alkalde, makikipagpulong siya sa mga operator ng truck sa Parañaque sa mga susunod na araw para ilahad ang kanilang reaksiyon sa panukalang truck ban na ipatutupad, batay sa inaprubahang ordinansa, epektibo dakong 6:00 hanggang 9:00 ng umaga at 4:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi.