Pinagkokomento ng Korte Suprema sina Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas at Department of Justice (DoJ) Secretary Leila de Lima sa petisyong inihain ng mga pinuno ng mga bilanggo sa New Bilibid Prisons (NBP) na humihiling na ideklarang unconstitutional ang bagong patakaran kaugnay ng “classification system for good conduct and time allowances.”

Partikular na kinukuwestiyon ng lider ng mga bilanggo ang Implementing Rules and Regulations ng Republic Act 105-92 na nag-aamyenda sa ilang probisyon ng RA 3812 o Revised Penal Code.

Sa ilalim ng bagong batas na nagkabisa noong Abril 18, 2014, ibabawas sa haba ng sentensiya hanggang 20 araw mula sa dating limang araw sa unang dalawang taon sa kulungan para sa bawat buwan para sa bilanggong nagpakita ng magandang asal.

Sa loob naman ng tatlo hanggang limang taong pagkabilanggo, maaari siyang mabiyayaan ng hanggang 23 araw na bawas para sa pagkabilanggo na anim hanggang 10-taon, 25-araw; at para sa ika-11 at susunod pang mga taon ng pagkabilanggo ay hanggang 30 araw na bawas-sentensya sa bawat buwan ng pagpapakita ng magandang asal.

National

Hiling ni Quiboloy na ilipat sa kustodiya ng AFP, ibinasura ng korte

Sa dalawang pahinang resolusyon na may petsang Hulyo 22, 2014, inatasan ng Korte Suprema sina De Lima at Roxas na magsumite ng komento sa loob ng 10 araw.

Ayon sa mga petitioner, ang bagong patakaran ay ilegal dahil lumalabag ito sa kanilang right to due process of law na ginagarantiyahan ng Konstitusyon.