Inihayag ni Senate President Pro Tempore at Acting Senate President Sherwin Gatchalian na siya ang mangunguna sa nakatakdang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
Sa isang press conference nitong Huwebes, Hunyo 4, 2026, sinabi ni Gatchalian na siya ang magsisilbing presiding officer ng impeachment court alinsunod sa umiiral na mga tuntunin ng Senado.
'Under the rules, since ang Senate President Pro Tempore ay assumes the acting Senate President, tayo ang magpe-preside ng impeachment,' ani Gatchalian.
Dagdag pa niya, kinakailangan pa niyang makipag-ugnayan sa kalihim ng Senado upang matukoy ang schedule ng mga susunod na hakbang sa paglilitis.
'Since, again, bago lang tayo, I'll also talk to the Secretary to see the schedule,' dagdag niya.
Nahalal si Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore matapos muling magtipon ang Senado noong Miyerkules. Dahil dito, idineklara siya ng mga dumalong senador mula sa minority bloc bilang acting Senate President.
Ayon kay Gatchalian, kinakailangan ding muling manumpa ang mga senator-judges dahil siya na ang magiging bagong presiding officer ng impeachment court.
'I would have to consult with the clerk of court kung ano ang mga procedures. But definitely pagbukas, kailangan mag-take ng oath,' aniya.
Nagtipon ang Senate impeachment court noong Mayo 18 sa ilalim ng pamumuno noon ni Senate President Alan Peter Cayetano bilang Senate President. Si Sen. Camille Villar naman ang nangasiwa sa panunumpa ni Cayetano bilang hukom ng impeachment court bago nito pinanumpa ang iba pang senador.
Samantala, sinabi rin ni Gatchalian na magpapatuloy na ang trabaho ng Senado matapos ang ilang araw ng legislative standoff.
Ipinaliwanag niya na bilang Senate President Pro Tempore, maaari siyang lumagda sa mga dokumento at gampanan ang mga tungkulin ng Senate President habang wala pang nahahalal na bagong lider ng kapulungan.
Noong Mayo 11, inaprubahan ng House of Representatives ang ikalawang impeachment complaint laban kay Duterte sa botong 257 pabor at 25 tutol. Nakasaad sa mga reklamo ang umano’y culpable violation of the Constitution, graft and corruption, betrayal of public trust, bribery, at iba pang high crimes.
Kasunod ng pagkakahalal kay Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore, nagpahayag ang House prosecution panel na handa silang ituloy ang paglilitis anuman ang magiging liderato ng Senado at kung sino man ang mamumuno sa impeachment court.
Noong Lunes naman, pormal na naghain si Duterte, sa pamamagitan ng kaniyang legal team, ng sagot sa Articles of Impeachment na isinampa laban sa kaniya.
Sa kanilang pleading, iginiit ng kampo ni Duterte na ang Articles of Impeachment ay 'constitutionally infirm, procedurally defective, and substantively deficient,' at hiniling nila ang pagbasura sa kaso.