May 15, 2026

Home BALITA

Panitikan, imprastraktura ng demokrasya—VP Sara

Panitikan, imprastraktura ng demokrasya—VP Sara
Photo Courtesy: Sara Duterte (FB)

Nagbigay ng mensahe si Vice President Sara Duterte kaugnay sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan ngayong Abril.

Sa latest Facebook post ni VP Sara nitong Lunes, Abril 13, sinabi niyang ang panitikan umano ay imprastraktura ng demokrasya.

“Sa ating pagdiriwang ng Buwan ng Panitikang Filipino, dapat nating kilalanin ang isang mahalagang katotohanan: Ang panitikan ay hindi lamang dekorasyon; ito ay imprastraktura ng ating demokrasya. Ito ang pundasyon kung paano nananatiling tapat, matatag, at gising ang isang bansa,” saad ni VP Sara.

Ngunit nasa ilalim umano ng banta ang nasabing imprastraktura dahil kung pagbabatayan ang datos mula sa Philippine Statistics Authority, halos 25 milyong Pilipino ang nahihirapan sa functional literacy.

Kaya naman hinikayat ng Bise Presidente ang mga magulang na magbasa sa loob ng tahanan kasama ang mga anak. 

Misis ng nahuling NBI volunteer, nanindigang walang kasalanan ang asawa

Aniya, “Magbasa sa Filipino, Ilocano, Hiligaynon, Bisaya —sa kahit anong wika na ginagamit ninyo sa inyong tahanan at komunidad.”

Matatandaang deklarado ang Abril bilang Buwan ng Panitikan sa Pilipinas alinsunod sa Proklamasyon Blg. 968 na nilagdaan noong 2015.

Ngayong 2026, nakasentro ang tema ng pagdiriwang sa "Beket Panitikan: Para sa Katwiran at Kalikasan." Hango ang salitang “bekët” sa mga Agutaynë́n ng Palawan na nangangahulugang pagkakaisa at pagbibigkis.