Niresbakan ng Malacañang ang mga umaalma at bumabatikos sa kung paano binibigyang-aksyon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang mga isyung kinahaharap ng bansa.
Kasunod ito ng pahayag ng Makabayan bloc hinggil sa umano’y pagiging “announcer” ni PBBM sa mga inaasahang rollback sa presyo ng langis, pamimigay ng limitadong subsidiya, at pagbuo ng limitadong programa kaysa raw magbahagi ng “substantial relief” kaugnay sa nasabing krisis.
Ayon sa Palasyo, ito raw ang mahirap sa mga nambabatikos sa Pangulo.
“Ang mahirap po kasi sa atin ngayon, puro tayo pintas, pero tayo puna, pero parang walang nagagawang solusyon kung hindi ang Pangulo lamang, ang administrasyon na ito ang siyang nag-iisip kung ano ang puwedeng gawin. Well, of course mayroon tayong ibang mambabatas na nagbibigay ng suhestiyon at iyan naman po ay tinatanggap ng Pangulo,” saad ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa press briefing ng PCO nitong Lunes, Abril 13.
Aniya, “Pero para sabihin na walang ginagawa para maibsan ang nararamdaman natin dito sa krisis sa Middle East, ito po ay napakalaking kasinungalingan.”
Kinuwestiyon din ng press officer ang mga nambabatikos sa Pangulo, at tinanong kung saan nga ba nararapat na lumugar si PBBM.
“Kapag hindi nakikita, uulitin ko po ulit, kapag hindi nakikita ang Pangulo, hinahanap sasabihing may sakit, naospital kung anu-ano. Ngayong nagpapakita at nagbibigay ng ulat sa bayan, pipintasan pa rin ninyo. Saan ninyo gusto lumugar ang isang Pangulo na katulad ni Pangulong Marcos Jr.?” anang press officer.
“Hindi naapektuhan ang Pangulo sa anumang kritisismo na walang basehan. Ang Pangulo po ay patuloy na magtatrabaho para sa taumbayan, hindi para doon lamang sa mga pumupuna ng walang basehan,” pagtatapos ni Usec. Castro.