May 17, 2026

Home BALITA

MANIBELA, magkakasa ng 3-day transport strike simula Abril 15

MANIBELA, magkakasa ng 3-day transport strike simula Abril 15
Photo courtesy: MANIBELA/FB

Inanunsyo ng transport group na MANIBELA nitong Lunes ng umaga, Abril 13, na sila ay magsasagawa ng isang nationwide strike na tatagal ng tatlong araw, simula Abril 15 hanggang 17.

Sa gitna ng kilos-protestang ikinasa ng transport group, ibinahagi ni MANIBELA Chairperson Mar Valbuena sa media na kasama nila sa nabanggit na tigil-pasada ang ilan pang mga transport group at entity.

“[Sa] Lunes hanggang Biyernes, idinedeklara natin ang isang malaking transport strike na kung saan magsasama-sama ang iba-ibang transport entities—ang MANIBELA at iba pang transport groups,” saad ni Valbuena.

Sinita niya rin ang umano’y kapabayaan ng gobyerno hinggil sa isyung kinahaharap ng transportation sector sa gitna ng patuloy na girian at tensyon ng mga bansa sa Gitnang Silangan.

“Pagkondena ito sa kapabayaan ng pamahalaan—lalo na ng [Department of Energy] DOE at ng [Department of Transportation] DOTr… Ang pakikipagsabwatan sa mga oil companies na nakinabang ng bilyon-bilyong piso…,” aniya.

Ilan pa sa mga panawagan ng naturang transport group ay ang pagbabasura ng Oil Deregulation Law, pagsuspinde ng excise tax at Value Added Tax (VAT) sa mga produktong petrolyo, at ang rollback sa presyo ng langis.

Samantala, noon lamang Linggo ng gabi, Abril 12, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang isang big-time rollback sa presyo ng petrolyo sa darating na Martes, Abril 14—matapos ang walang prenong pagtaas nito bunsod ng giyera sa Middle East.

“Magandang araw po sa ating mga minamahal na kababayan. Mayroon po akong ibabalita sa inyo. Simula Martes, Abril 14, may malaking rollback sa presyo ng langis. Mahigit ₱20 ang ibababa sa diesel, ang gasolina naman may bawas na ₱4 and 43 centavos kada litro, kerosene, ₱8 and 50 centavos kada litro ang ibababa,” saad ni PBBM sa kaniyang pahayag.

MAKI-BALITA: Simula Abril 14: PBBM, ibinida ang malaking rollback sa presyo ng langis!-Balita