May 22, 2026

Home BALITA National

'Mali kami roon!' SILG Remulla, nag-sorry sa hubad na lalaking natiketan sa Mandaluyong

'Mali kami roon!' SILG Remulla, nag-sorry sa hubad na lalaking natiketan sa Mandaluyong
Photo courtesy: Contributed photo, Bryll Vasquez (FB)

Humingi ng dispensa si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla sa isang nakahubad na lalaking natiketan ng mga awtoridad habang naghahalo ng semento sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong City. 

Matatandaan kasing nag-viral sa social media ang video ng pangangatwiran ng ginang na si Norietta Lanquino mula sa nasabing barangay dahil sa pagsita at pagbibigay ng ticket ng mga awtoridad sa kaniyang asawa dahil wala itong suot na damit sa isang makipot na eskinita noong Abril 10, 2026. 

Depensa ni Aling Norietta, naghahalo lamang ng semento ang kaniyang asawa malapit sa kanilang bahay. 

Idiniin din niyang dapat munang dumaan sa proseso na magbigay ng abiso ang mga awtoridad sa mga huhulihin nilang lalabag sa Safer Cities Initiative na direktiba ni Remulla. 

Ayon naman sa isinagawang press conference ni Remulla kasama ang PNP nitong Lunes, Abril 13, 2026, sinabi niyang nakarating o napanood niya ang naging reklamo ng viral na ginang sa social media. 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

“May nakita akong feedback sa social media na may umangal na taga-Barangay Addition Hills na naghahalo lang ng semento at siya’y inaresto,” pagsisimula niya. 

Dahil dito, nagawang humingi ng paumanhin ni Remulla sa asawa ni Aling Norietta at ipinangako niyang personal siyang pupunta sa Barangay Addition Hills upang personal na humingi ng tawad sa nasabing lalaki. 

“Ako po’y humihingi ng paumanhin at pupuntahan ko po siya sa mga susunod na araw. Sasabihin ko na ako na po ang hihingi ng paumanhin,” pagtitiyak niya. 

Pag-amin ni Remulla, kasalanan niya raw ang naganap na insidente dahil sa hindi niya malinaw na pagbibigay ng wastong pamantayan sa isinusulong niyang inisyatiba. 

“It was my fault that I did not give clearer instructions on how to do the Safer Cities Initiative. Nagkulang po ako doon,” aniya. 

Pangangatwiran niya, hangarin lang daw niyang patahimikin ang mga kalye ngunit tila raw basta na lang dinampot ng mga awtoridad ang nasabing lalaking nakahubad kahit wala naman ito sa pampublikong lugar. 

“Ang tanging hangarin ko ay patahimikin ‘yong mga kalye ngunit dahil sa kakulangan ng aking paliwanag ay kahit sino na lang, basta walang t-shirt, ay siyang dinampot,” saad niya. 

“Mali po ‘yun, nagkamali po kami roon, and I take full responsibility. I will make amends and I will make sure na mag-uusap po kami para maklaro ko po ito,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, hindi naman na nilinaw ni Remulla kung kailan ang eksaktong petsa at araw siya pupunta sa Mandaluyong para makipag-areglo sa naturang lalaki. 

KAUGNAY NA BALITA: PNPA hazing victims, binuhusan ng asido sa likod hanggang sa ari—SILG Remulla