Patay ang isang lalaki nang umano'y pagtulungang pagsasaksakin ng dalawang kaalitan habang naglalaro ng video games sa loob ng isang computer shop sa Tondo, Manila nitong Lunes ng umaga, Abril 13.
Naisugod pa sa Gat Andres Bonifacio Medical Center ang biktimang si John John Bacolod, 46, at residente ng Tondo, Manila bunsod ng tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Samantala, kapwa nakatakas naman ang magkaanak na suspek na sina alyas "Jeffrey," 49, at "Jefferson," 25, kapwa residente ng Rosal St., Happy Land, Tondo.
Lumilitaw sa ulat ng Raxabago Tondo Police Station 1 (PS-1) ng Manila Police District (MPD), na dakong alas-11:00 ng umaga nang maganap ang krimen sa loob ng isang computer shop na matatagpuan sa GK Compound sa Tondo.
Batay sa salaysay ng testigong si alyas "Lyn," lumilitaw na kasalukuyang abala sa paglalaro ng computer games ang biktima nang bigla na lang dumating ang mga suspek at pinagtulungan siyang pagsasaksakin sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nang maisagawa ang krimen, mabilis nang tumakas ang mga suspek, bitbit ang patalim na ginamit sa krimen.
Kaagad namang naisugod sa pagamutan ang biktima ngunit nasawi rin habang nilalapatan ng lunas.
Masusi pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang krimen upang matukoy ang motibo nito at mapanagot ang mga salarin.