Pinatutsadahan ni ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio ang pagkakatalaga kay Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte bilang presidente ng PDP-Laban.
Sa panayam ng media kay Tinio nitong Lunes, Abril 13, 2026, iginiit niyang tila kinakabahan na raw ang mga Duterte sa posibilidad ng pagratsada ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, kung kaya’t ang alkalde na raw ang ibinibala nila bilang “plan B.”
“Malinaw na may plan B ang mga Duterte, ito si Baste,” saad ni Tinio.
Banat pa niya, “Siguro kabado ang kampo ng mga Duterte na maaaring ma-impeach at magtuloy-tuloy at ma-convict sa Senado ang Bise Presidente so, mauudlot ang kaniyang presidential bid.”
Paliwanag pa ni Tinnio, ang pagkakatalaga raw kay Baste bilang pangulo ng PDP ay upang mabigyan lang ito ng national platform upang maagang makapangampanya.
“Kaya ngayon pa lang, ay mayroon ng pinoprontang plan B ang mga Duterte upang magpatakbo sila ng isa pang kandidato at ito ay si Baste, kaya ginawa siyang presidente ng PDP at mayroon pa ngayong ginawang coalition. At ito ay para bigyan ng national platform ang isa pang Duterte,” giit ni Tinio.
Hirit pa niya, “Kailangan malinaw sa atin na pamumulitika na naman ito. Pangangampanya ng maaga ng isa pang Duterte.”
Matatandaang itinalaga si Baste bilang pangulo ng nasabing partido noong Linggo, Abril 12. Kasunod nito, inanunsyo rin ang paggawa nila ng isang kolaisyong tinawag nilang, “Reform Alliance for Good Governance and Accountability” (RAGE). Binubuo ito ng iba't ibang organisasyon katulad ng civic organizations at iba pang political parties.
Habang sa usapin ng naman ng impeachment kay VP Sara, patuloy ang pagsalang nito sa House Committee on Justice kung saan inaasahang tetestigo pa si Ramil Madriaga na nauna nang nagpakilala bilang bag man umano ng Bise Presidente.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Paano nga ba umaarangkada ang impeachment process sa Kamara at Senado?