Dead on arrival na nang inilipat sa mas malaking ospital ang 11 taong gulang na manlalaro ng sepak takraw matapos siyang mabilaukan sa kanilang billeting quarters Mac-Ale Memorial Elementary School sa Parang, Maguindanao del Norte noong Linggo, Abril 12, 2026.
Ayon sa mga ulat, kumakain ang biktima ng kanilang hapunan nang mangyari ang insidente. Mabilis umanong sinubukang tulungan ng isang nurse ang biktima sa pamamagitan ng manual clearing at heimlich maneuver ngunit hindi ito naging matagumpay.
Bunsod nito, doon na raw napagkasunduang dalhin ang biktima sa pinakamalapit na ospital. Subalit ayon sa attending physician ng unang ospital na pinagdalhan sa biktima, tinatayang nasa 40 minuto na raw ang lumipas nang madala sa kanila ang bata.
Pagdating sa emergency room ng unang ospital, agad siyang isinailalim sa cardiac monitoring at cardiopulmonary resuscitation o CPR at saka binigyan ng gamot para sa puso.
Na-intubate rin ang biktima dahil sa mabilis na naging pagbaba ng kaniyang oxygen level.
Matapos malapatan ng mga paunang lunas, napagpasyahan na ilipat na raw sa mas malaking ospital ang biktima kung saan makakabitan siya ng mechanical ventilator at mailalagay sa intensive care unit o ICU.
Bunsod umano sa kritikal na kondisyon ng biktima at pagkakaroon ng pinsala sa kaniyang utak, dead on arrival na nang dumating siya sa mas malaking ospital.
Ayon sa school nurse, acute respiratory failure due to aspiration pneumonia ang ikinamatay ng biktima.
Nakatakda sana siyang makilahok sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Athletic Association (BARMMAA) 2026.