Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang malaking rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo na epektibo sa Martes, Abril 14, na inaasahang magbibigay ginhawa sa mga motorista at pamilyang Pilipino.
Ayon sa video message ng Pangulo nitong Linggo, Abril 12, magkakaroon ng malaking bawas sa presyo ng diesel, gasolina, at kerosene.
Tinatayang bababa ng ₱20.89 kada litro ang diesel, ₱4.43 kada litro ang gasolina, at ₱8.50 kada litro ang kerosene.
Ang anunsyong ito ay kasunod ng sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng langis sa mga nakaraang linggo na nagdulot ng pangamba at dagdag-pasanin sa mga mamamayan.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ng Pangulo:
“Magandang araw po sa ating mga minamahal na kababayan. Mayroon po akong ibabalita sa inyo. Simula Martes, Abril 14, may malaking rollback sa presyo ng langis. Mahigit ₱20 ang ibababa sa diesel, ang gasolina naman may bawas na ₱4 and 43 centavos kada litro, kerosene, ₱8 and 50 centavos kada litro ang ibababa."
"Malaking tulong ito lalo na sa ating mga driver, sa mga commuter, at sa pamilyang Pilipino na araw-araw naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng krudo," aniya pa.
Dagdag pa niya, hindi pa umano sapat ang naturang rollback kaya patuloy ang mga hakbang ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng mga bilihin.
“Hindi pa ito sapat. Kaya tuloy-tuloy naman ang ginagawa ng inyong pamahalaan para maibsan ang epekto nito inyong pang-araw-araw na buhay. Hindi po tayo titigil hangga't hindi natin napapababa ang gastos sa biyahe, sa pagkain, sa kabuuang pamumuhay ng ating mga kababayan," aniya.
Ipinahiwatig din ng Pangulo na may mga susunod pang hakbang at tulong na ipatutupad ang gobyerno sa mga darating na araw at linggo upang higit na masuportahan ang publiko.
“Sa mga susunod na araw at linggo, may iaanunsyo po ako na mga dagdag na hakbang at tulong mula sa gobyerno. Hindi natin hahayaang mapabayaan ang bawat Pilipino sa gitna ng mga hamong ito.”
Binigyang-diin ni PBBM na layunin ng pamahalaan na maramdaman ang ginhawa ng bawat pamilya sa gitna ng patuloy na hamon sa ekonomiya.
“Kaya tuloy-tuloy ang trabaho ng pamahalaan na may maramdaman na ginhawa ang bawat pamilya. At iyan ang tinututukan namin araw-araw. Maraming salamat po,” saad pa ng Pangulo.