Siniguro ng Department of Health (DOH) na hindi magtataas ang presyo ng mga gamot sa kasagsagan ng kinahaharap na krisis sa enerhiya ng Pilipinas bunsod ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East.
“There is no problem with the supply of medicine. There is no problem with the price. We have [a] good inventory,” pagtitiyak ni DOH Sec. Ted Herbosa sa ginanap na “Kapihan sa Manila Hotel” noong Biyernes, Abril 10.
Aniya pa, sa kasalukuyan, sinimulan na nila sa ahensya ang lingguhang pagbabantay ng sampung gamot para sa altapresyon, diabetes, kolesterol, at antibiotic, upang masiguradong walang nanamantala sa mga presyo nito.
“Starting now, nagmo-monitor ako ng 10 gamot. I decided to monitor antihypertensive, antidiabetes, anticholesterol, antibiotic, at saka iba pa. Ten medicines ‘yon babantayan na namin weekly para makita natin na walang nagsasamantala,” saad ni Herbosa.
Aniya pa, ang nakikita lamang nilang problema ay ang posibleng paniningil ng mga kompanya mula sa ibang bansa para sa transportasyon ng mga gamot sa bansa.
Bagama’t sa tingin ng kalihim hindi direktang apektado ng pagtataas ng presyo sa produktong petrolyo ang mga gamot, posible pa ring maapektuhan ang presyo nito dahil sa paraan ng shipping nito.
“Our problem is what happens to the price if the companies abroad start charging for the transport. Kasi I don’t think most of the medicines are not affected naman by products from petroleum. But it will be affected with how you ship it,” paliwanag ni Herbosa.
Samantala, alinsunod sa The Cheaper Medicines Act na mandato ng DOH, local government unit (LGU), Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Interior and Local Government (DILG), inoobligang ang suppliers at mga botika na magsumite ng kanilang presyo ng mga gamot, upang makita ng mga mamamayan sa E-Gov app.
“Mayroon tayong ‘Drug Price Monitoring Index,’ sa inyong kaalaman, the ‘Cheaper Medicines Act,’ mandated by the DOH, LGU, DTI, and DILG, to actually monitor the prices of common medicines,” saad ni Herbosa.
“So, minomonitor namin ‘yan. Nagsa-submit ‘yung mga supplier, ‘yung mga botika, ‘yung mga pasyente, kung ano ‘yung presyo ng mga gamot at pina-publish namin’ yan. Makikita n’yo ‘to sa E-Gov. May drug price watch sa E-Gov., i-click n’yo lang ‘yon,” dagdag pa niya.