May 22, 2026

Home BALITA Metro

Nasunog na landfill sa Navotas, 'di pagmamay-ari ng LGU—CDRRMO

Nasunog na landfill sa Navotas, 'di pagmamay-ari ng LGU—CDRRMO
Photo courtesy: John Rey Tiangco/FB

Nilinaw ng Navotas City Disaster Risk Reduction and Management Office (Navotas City DRRMO) na ang nasunog na lumang Navotas Sanitary Landfill ay hindi pag-aari ng lokal na pamahalaan.

Ayon sa ahensya, ang landfill ay dating pinatatakbo ng Phil. Ecology Systems Corporation at tumigil na sa operasyon noong Agosto 26, 2025 matapos mapaso ang franchise nito. 

Dagdag pa nila, sarado na ang pasilidad at matatagpuan sa isang isla na may layong humigit-kumulang 2.6 kilometro mula sa mga residential area, at wala umanong nakatira rito.

Iniulat ng DRRMO na kontrolado na ang sunog nitong Linggo, Abril 12, 2026, ngunit nagpapatuloy pa rin ang clearing at suppression operations upang tuluyang mapatay ang natitirang apoy at usok.

Sa unang yugto ng operasyon noong Biyernes, Abril 10, gumamit ng heavy equipment upang maghukay ng trench sa apektadong bahagi ng landfill bilang hakbang upang hindi kumalat ang apoy.

Metro

53-anyos na babae, namatay sa gitna ng AICS payout

“Isang karaniwang pamamaraan sa pagtugon sa rubbish fire sa mga sanitary landfill. Naging prayoridad ito dahil hindi maisagawa ang reinforcement operations sa gabi gamit ang mga sasakyang pandagat dahil sa masyadong mababang lebel ng tubig-dagat,” pahayag ng Navotas City DRRMO.

Nakipag-ugnayan din ang lokal na pamahalaan sa Philippine Air Force na nagpadala ng dalawang helicopter para sa aerial water bucket operations upang mapabilis ang pag-apula ng apoy. 

Samantala, hinikayat ang mga residente ng Navotas at mga karatig-lugar na magsuot ng face mask dahil sa makapal na usok na nakaapekto sa kalidad ng hangin sa ilang bahagi ng Metro Manila.

Batay sa monitoring, naitala ang Air Quality Index (AQI) na 78 (moderate) noong tanghali ng Sabado at bumaba sa 52 pagsapit ng gabi, na nananatili pa rin sa katamtamang antas.

“Dahil sa direksyon ng hangin, maaaring mas maapektuhan ng usok ang mga kalapit na lugar, kaya hinihikayat ang mga residente roon na magsuot ng face mask bilang pag-iingat,” ayon sa DRRMO.

Sa kasalukuyan, tinuturing ang insidente bilang rubbish fire sa loob ng waste mass ng landfill, at patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi nito.

“Asahan po ninyo na ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas ay patuloy na nakikipagtulungan sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng ating komunidad at mga karatig-lugar,” dagdag ng ahensya.