Pinalagan ng Malacañang Press Corps (MPC) ang alegasyon na sila umano ay nagpapagamit sa Palasyo o binabayaran upang pagtakdang ang tunay na kalagayan ng kalusugan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Sa pahayag na inilabas ng MPC nitong Linggo, Abril 12, iginiit nilang may malinaw na batayan ang balitang inilabas nila tungkol sa kondisyon ng kalusagan ng Pangulo.
Anila, “Ang mga balitang inilabas namin ay may malinaw na basehan—mga report na nakalap sa pamamagitan ng pagtatanong sa mga taong may kinalaman sa isyu, o 'di kaya'y amin mismonng nasaksihan.
“Amin ding bineberipika ang anumang impormasyon na aming nakakalap para masigurong ito ay tama at totoo bago namin ibahagi sa publiko,” dugtong pa ng MPC.
Kaya naman hinikayat nila ang publiko na kilatisin ang pinagmumulan ng impormasyong kinokonsumo at maging mapanuri sa gitna ng palitan ng mga bintang sa social media.
Samantala, tiniyak naman ng MPC na patuloy silang mag-uusisa, magmamasid, at mag-uulat ng patas sa kabila ng mga paninira.
Matatandaang nauna nang pinabulaanan ng Malacañang ang kumalat na haka-haka na may stage 4 cancer umano si Marcos, Jr.
MAKI-BALITA: ‘Maayos po siya!’ Palasyo, pinasinungalingan isyung may sakit si PBBM-Balita