Inabisuhan ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD) ang lahat ng residente ng Maynila na gumamit o magsuot ng face mask tuwing lalabas ng kanilang tahanan.
Ayon sa ulat ng Manila Public Information Office noong Sabado, Abril 11, alinsunod ang abisong ito sa nagpapatuloy na pagsisiyasat sa kasalukuyang kalidad ng hangin sa siyudad ng Maynila.
Pagbabahagi nila, naitala raw sa pag-aaral ng Air Quality Index (AQI), sa ilalim ng programang “Hinga Maynila” noong Sabado, Abril 11, na “fair” ang air quality sa mga lugar na Anda Circle, San Sebastian Residences, at Sta. Ana Hospital.
Samantala, “Unhealthy for Sensitive Groups” naman ang naging antas sa Puregold Tayuman.
Ibig sabihin, maaari daw itong magdulot ng hindi magandang epekto sa kalusugan ng sensitive sectors—bata, senior citizens, buntis, at mga indibidwal na may respiratory conditions.
Batay pa sa nabanggit na ulat, maaari daw itong maiugnay sa pagkatupok ng Navotas Sanitary Landfill—kung kaya’t mariing pinag-iingat ang lahat lalo na sa posibleng panganib na dala ng maruming hangin.
Pagtitiyak naman ng pamahalaang lungsod, patuloy ang kanilang monitoring sa naturang isyu.
Paglilinaw pa nila, ang abisong ito ay hindi nangangahulugang “mandatory” o sapilitan ang pagsusuot ng face mask.
“Ang anunsyong ito mula sa MCDRRMD ay isang paalala at payo lamang, at hindi sapilitan o mandatoryong ipinatutupad sa ating mga kababayan,” saad ng Manila PIO sa isang komento.