Tumulong si Kapuso Sparkle artist Kyline Alcantara sa transportation sector na kasalukuyang pinakaapektado ng krisis sa langis dulot ng sigalot sa Gitnang Silangan.
Sa latest Instagram post ni Kyline noong Biyernes, Abril 10, inalala niya ang kaniyang lolo na si Papa Ben na isa ring jeepney driver.
“Takbuhan siya ng mga nangangailangan sa barangay namin sa Bicol, kaya iniisip ko for the past few weeks, kung ano kaya ang mararamdaman niya kung makikita niya at mararanasan ang fuel crisis ngayon,” saad ni Kyline.
Dagdag pa niya, “Lahat tayo ay apektado ng krisis na ito pero iba-iba ang impact nito sa atin. Maaaring maswerte tayo na hindi ganoon kabigat gaya sa mga kababayan natin na jeepney, tricycle, o TNVS drivers.”
Kaya naman hinikayat ni Kyline ang kaniyang mga kasama, katrabaho, at kababayan na tulungan ang mga driver kahit sa pinakamaliit na paraang makakaya.
“A little kindness goes a long way in a world that needs it most,” pahabol pa ng aktres.
Samantala, inaasahan namang magsisimula na umanong bumaba nang paunti-unti ang presyo ng gasolina sa susunod na mga linggo.
Batay sa isang buong linggong trading sa Mean of Platts Singapore (MOPS), tinatayang nasa humigit-kumulang ₱8.80 hanggang ₱10.80 ang mababawas sa presyo ng diesel kada litro.