Hinamon ni labor leader Ka Leody De Guzman si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na gawin ang bagay na ipinagbabawal nito.
Base kasi sa Safer Cities Initiative na ipinapatupad ng ahensya na pinamumunuan ni Remulla, huhulihin ang mga lalaking makikitang nakahubad sa kalsada at lansangan.
Sa latest Facebook post ni De Guzman noong Biyernes, Abril 10, pinasusubukan niya si Remulla na mag-semento nang nakasuot ng long sleeves.
“Jonvic Remulla try mo mag-semento ng naka-long sleeves. Ang mahal na langis. Titiketan mo pa ang mga pobre,” saad ni Ka Leody.
Samantala, sa isang hiwalay na post, iginiit ng labor leader na hindi umano kriminal ang mga naghahalo ng semento nang nakahubad.
Aniya, “Hindi kriminal ang mga nakahubad na naghahalo ng semento. Ang tunay na kriminal ay ang mga nakabarong sa Kongreso.”
Matatandaang isang lalaki ang natiketan ng Mandaluyong Police dahil nahuling nakahubad habang naghahalo ng semento sa labas ng bahay nito noong Abril 10.
KAUGNAY NA BALITA: 'Magbihis naman kayo!' DILG, huhulihin na mga lalaking hubad sa kalye