May 06, 2026

Home BALITA

'Isusumbong ko sa Pangulo!' Chavit, may ilalaglag sa flood control probe

'Isusumbong ko sa Pangulo!' Chavit, may ilalaglag sa flood control probe
Phooto courtesy: MB file photo

Inihayag ni dating Ilocos Sur Governor Luis, “Chavit” Singson na handa siyang ilantad ang “malalaking personalidad” na umano’y sangkot sa mga iregularidad sa mga proyekto ng flood control, sakaling imbitahan siyang tumestigo sa Senate Blue Ribbon Committee.

Sa panayam ng media noong Biyernes, Abril 10, 2026, sinabi ni Singson na nakahanda siyang tukuyin ang mga responsable sa kontrobersyal na mga proyekto, ngunit nais niyang gawin ito sa isang pormal na pagdinig ng Senado upang hindi umano makompromiso ang isinasagawang imbestigasyon.

“Para makatulong. Eh sila naman nagsabi na, 'Sumbong sa Pangulo,' isusumbong ko sa Pangulo,” ani Singson.

Nang tanugin ng media kung nakahanda siyang pangalanan kahit ang mga malalaking politko, pagdidiin niya, “Of course, yung mga responsible diyan.”

Tumanggi naman siyang linawin kung ang tinutukoy niyang personalidad ay isang senador, kongresista, o lokal na opisyal. Ayon sa kaniya, ilalantad lamang ang mga pangalan sa tamang forum.

Probinsya

8 lugar sa Albay, isinailalim sa 'state of calamity' dahil sa pag-alburuto ng Mayon

Samantala, ipinagpaliban ng Senate Blue Ribbon Committee ang nakatakda sanang pagdinig sa Abril 14 kaugnay ng usapin. 

Ayon sa komite, hinihintay pa nito ang isusumiteng sinumpaang salaysay ni Singson, gayundin ang pirma ng hindi bababa sa limang miyembro para sa kanilang partial report.

Nilinaw ni Singson na wala siyang kinalaman sa pagpapaliban ng pagdinig. Aniya, nakahanda na siyang humarap noong Abril 7 ngunit ipinaalam umano sa kaniya kinabukasan na hindi na ito matutuloy.

Binigyang-diin pa ng dating gobernador ang kaniyang kahandaang makipagtulungan sa imbestigasyon, at iginiit na layunin niyang mapanagot ang mga nasa likod ng umano’y anomalya sa mga proyektong flood control, na matagal nang pinupuna dahil sa isyu ng katiwalian at kakulangan sa maayos na implementasyon.