Gulpi ang inabot ng isang pulis matapos subukang umawat sa bangayan ng ilang kalalakihan at isang delivery rider sa Sampaloc, Maynila.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Manila Police District (MPD) - Sampaloc Police Station na pauwi na raw sana ang biktimang pulis nang madaanan niya ang nasabing komosyon.
Sinubukan daw niyang umawat matapos humingi ng tulong sa kaniya ang delivery rider at iginiit na ninakawan siya ng grupo ng mga suspek.
Bunsod nito, doon na raw nagpasya ang pulis na isakay ang isang menor de edad sa kaniyang motorsiklo upang dalhin sana sa presinto.
Sinasabing dito na raw nagsimula ang bugbugan nang pumalag ang grupo ng naturang inarestong menor de edad at sinubukang atakihin ang pulis.
Nagtamo ng mga galos sa iba't ibang parte ng katawan ang pulis at ilang mga bukol matapos din umano siyang paghahampasin ng helmet.
Hindi rin nakaligtas sa pananakit ang delivery rider nang balingan din siya ng mga suspek.
Upang maisalba ang sarili, doon na raw nagpasya ang pulis na magpaputok ng kaniyang service firearm para matakot ang mga suspek.
Samantala, matapos mai-report ang insidente, kaagad na naaresto ng kapulisan ang apat na lalaki na sangkot sa panggugulpi sa pulis. Dalawang lalaki pa ang patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga suspek na nakatakda na ring isalang sa inquest proceedings. Nahaharap sila sa mga reklamong direct assault at less serious physical injuries.