“A simple act of kindness creates an endless ripple.”
Ito ang naging motto ng social media content creator na si Arshie Larga sa naging pagtulong niya sa higit 1,000 na drayber sa Boac, Marinduque, sa kasagsagan ng sunod-sunod na pagtataas sa produktong petrolyo sa bansa.
Saad ni Arshie sa kaniyang post noong Huwebes, Abril 9, ₱500 na fuel support ang naibigay niya sa 1,169 na miyembro ng Tricycle Operators and Drivers' Association (TODA) sa Boac.
Ikinuwento ni Arshie na noong una pa nga raw, inakala niyang nasa higit-kumulang 300 lang ang mga miyembro ng TODA sa bayan niya, base sa na-search niyang impormasyon online.
Ngunit laking gulat daw niya nang lagpas 1,000 ang mga pangalang naibigay sa kaniya, kaya napaisip siya kung kakayanin ba niyang maituloy ang inisyatiba.
“SKL. Nung naisip kong gawin itong initiative na ito, akala ko around 300 members lang ang TODA sa bayan namin (based sa na-search ko online). Pero nung nakipag-coordinate na ako sa mga local TODA officers para makahingi ng listahan ng mga miyembro nila, lagpas 1,000 ang pangalang naibigay sa akin,” pagbabalik-tanaw ni Arshie.
Sa mga pagkakataong ito raw, ang nasabi na lang niya ay, “Bahala na si Lord. Laban na ‘yan,” kaya natuloy at naging matagumpay naman ang naging pagtulong niya.
“Tbh, nagulat ako at napaisip kung kakayanin ba natin itong gagawin nating initiative. Ang nasabi ko na lang ay, “Bahala na si Lord. Laban na ‘yan.” At sa awa naman ng Diyos, nakapagbigay tayo ng ₱500 fuel support sa 1,169 na miyembro ng TODA ng Boac, Marinduque,” saan ni Arshie.
Aniya pa, bagama’t hindi siya politiko at hindi rin mayaman, blessed pa rin niyang maituturing ang sarili upang makatulong sa komunidad sa abot ng kaniyang makakaya.
“Hindi ako politiko, at hindi rin ako mayaman, pero I’m blessed enough to share with the community sa abot ng aking makakaya. I expect nothing in return,” saad ni Arshie.
Alam din daw niya na ilang araw lang ang itatagal ng ₱500 na fuel support, ngunit hiling niya na kahit papaano ay makatulong pa rin ito.
“Alam kong ilang araw lang tatagal ang ₱500 na fuel, pero sana kahit papaano ay nakatulong ito,” kahilingan ng content creator.
“Malay natin, may mga mas may kakayahan na ma-inspire at magbigay ng mas malaking halaga HAHAHA!” pabiro niya pang dagdag.
Kaya lubos ang naging pasasalamat ni Arshie sa kaniyang supporters at nilinaw pa niyang wala siyang balak na tumakbo sa anumang public position dahil hindi na raw siya “makaka-larga sa bayan” kapag tumakbo siya.
“Uulitin ko lang po: WALA AKONG BALAK HUMANGAD NG ANUMANG PUBLIC POSITION. Hindi na ako makaka-larga sa bayan kapag ganun, lol!” pabirong saad ng content creator.
“Thank you po sa inyong support,” dagdag pa ni Arshie.
Samantala, lubos din ang naging paghanga hindi lang ng supporters at followers ni Arshie sa kaniyang inisyatiba ngunit pati na rin ng iba pang pangalan sa industriya.
“You did great Arshie ,” komento ni GMA TV Host Lyn Ching.
“May your pocket never run dry ,” saad ng content creator na si Jen Barangan.
“May God continue to bless you and your family. You are an inspiration, Arshie! ,” pagbati naman ni ABS-CBN meteorologist Ariel Rojas.
Matatandaang masayang ibinahagi ni Arshie ang pagtatapos ng kaniyang four-storey building noong Disyembre 2025, na matagal nang pangarap ng kaniyang mga magulang, na natagalan ang pagpapagawa dahil sa kakulangan sa budget.
“To be honest, this project—aside from being an investment—is my way of repaying my parents for all their hard work and for helping fulfill their long-time dream. Love you, Nanay and Tatay. Thank you po, Lord,” tribute ni Arshie.
MAKI-BALITA: ‘Malayo pa pero malayo na!’ Content Creator Arshie Larga, tribute sa magulang natapos niyang 4-storey building
Bukod sa pagiging content creator, si Arshie ay isa ring licensed pharamacist na nakilala sa TikTok at X dahil sa kaniyang contents tungkol sa mga gamot.