May 14, 2026

Home BALITA National

165 milyong litro ng langis, inaasahang darating na sa bansa—DOE

165 milyong litro ng langis, inaasahang darating na sa bansa—DOE
Photo courtesy: RTVM/YT, Unsplash


Inanunsyo ng Department of Energy (DOE) na aabot sa 165 milyong litro ng langis ang inaasahang darating sa Pilipinas.

Ito ay ang tugon ng ahensya upang mapanatili ang suplay ng langis sa bansa, na siyang labis na apektado ng patuloy na girian at tensyon sa Middle East, partikular na ang Amerika, Israel, at Iran.

Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Biyernes, Abril 10, isiniwalat ni DOE Secretary Sharon Garin na ito ay bahagi raw ng target na 318 milyong litro ng langis ng ahensya.

“One of the basic tasks of the Department of Energy was to make sure na mayroon tayong langis sa bansa. Kasi noong una po, ang nerbiyos ng lahat ay baka maubusan tayo [ng langis]—pero hindi po nangyari ‘to. Kahit wala po ‘yong committee pa, ginawa na po ‘to ng Presidente, inutos na po sa Department of Energy,” saad ni Garin.

Aniya, “Through the Philippine National Oil Corporation, bumibili na po ‘yong gobyerno ng sariling suplay para ma-augment, madagdagan ang suplay ng ating oil companies. In fact, ang kabuuang 165 million liters po ang ina-acquire ng PNOC.”

“Ang target nito kasi is 318 million liters, 2 million barrels,” dagdag pa niya.

Inisa-isa pa ng kalihim sa nabanggit na press briefing ang mga bansang pinagbilihan ng Pilipinas ng suplay ng langis.

“So, sa ngayon po, ang na-order at siguradong darating is 165 million which will come from Malaysia, Singapore, India, [and] Oman,” anang kalihim.

“So marami pong ibang bansa ang kukunan natin dito, hindi lang po galing po sa Middle East—para hindi po tayo dependent sa Middle East or sa Strait of Hormuz,” giit pa niya.

Ani Garin, maganda raw ang numero ngayon ng bansa pagdating sa oil stocks, na aabot pa sa 50 na araw.

“Usually niyan, 30 days lang. ‘Yong 50 days po, hindi po ibig sabihin mauubos na ‘yan by 50 days, na wala na tayong langis sa bansa,” paliwanag ni Garin.

“Hindi po gumagalaw ‘yong 50 kasi po nagkokonsumo, bumibili ‘yong tao, nagda-drive po tayo at ginagamit pero may dumarating po na mga bagong stocks,” aniya pa.

Sa kaugnay na ulat, patuloy naman ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na direktang nakakaapekto sa maraming sektor ng bansa gaya na lamang ng transportasyon at agrikultura.

KAUGNAY NA ULAT: Presyo ng pagkain, abot-kaya pa rin sa gitna ng tumataas na fuel costs—PBBM-Balita