Ikinatuwa ng mga netizen ang bagong role ng beteranang character actress na si Susan Africa, sa bagong action series na "Blood vs Duty" na pinagbibidahan nina Richard Gutierrez at Gerald Anderson, ng ABS-CBN.
This time kasi, hindi na mahirap at "ubuhin" ang papel niya kundi isang doktora at nanay siya rito ng karakter ni Richard. Bongga!
Sunod-sunod nga ang proyekto ni Susan sa Kapamilya Network, kung saan, kasama rin siya sa nagtapos na action series na "FPJ's Batang Quiapo" ni Coco Martin.
Maki-Balita: Susan Africa ‘nakaahon-ahon’ na raw sa api-apihan roles
Maki-Balita: Balik sa ubuhing roles? Susan Africa naghirap na naman
Hindi naman ubuhin ang role niya sa nagtapos na serye, pero kagaya ng iba pa niyang madalas na role, nasa "mahirap level" pa rin.
Sa media conference nga ng Blood vs Duty, pabirong natanong ni ABS-CBN showbiz news reporter MJ Felipe si Susan kung inuubo ba ang role niya rito.
"Ay hindi," nakangiti namang pakli ni Susan.
Masayang ibinahagi naman ni Susan ang ilang memes tungkol sa kaniya.
"Maraming salamat sa suporta at patuloy na panonood. And yes, wala po akong ubo bilang Dra. Teresa Reyes," aniya.
Saad pa ni Susan, ito raw ang unang doctor role niya.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen.
"Happy for you Ms. Susan nag level up na role mo, hnd na mahirap, katulong o binubugbog lagi ng asawa."
"Kaya nyo na po gamutin sarili nyo pag inuubo na po kayo. Hehehe."
"Congratulations Tita Su."
"Doktor na siya ng mga inuubo."
"Ah sa BLOOD VS DUTY PALA. .yes. Congrats Ms Susan Africa."
Matatandaang nabansagang "Star For All Ubo" si Susan dahil kadalasang inuubong mahirap na nanay ang role niya sa serye o pelikula.
Very iconic ang naging role niyang "Susan" sa soap operang "Mara Clara" na pinagbidahan nina Judy Ann Santos at Gladys Reyes noong 90s.
Noong 2024, bumida si Susan sa isang advertisement ng isang gamot para sa ubo, at dito siya tinaguriang Star For All Ubo.
Sa nabanggit na patalastas, ipinakita ni Susan ang kaniyang "acting prowess" sa kung paano ineexecute sa iba-ibang eksena at role ang pag-ubo.
Maki-Balita: Susan Africa, binansagang 'Star For All Ubo'