Inanunsyo sa publiko ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla ang pagbabawal sa mga kalalakihang walang saplot na damit habang palakad-lakad sa kalye.
Ayon sa isinagawang press conference ni Remulla sa Quezon City nitong Lunes, Abril 6, 2026, mariin niyang sinabing ipapatupad nila ang naturang panukala bilang parte sa isinusulong nilang inisyatiba para sa ligtas na mga siyudad sa Pilipinas.
Ani Remulla, sisimulan nila umano ang inisyatibang ito sa Metro Manila ngunit tiyak daw na maipapatupad ito sa iba pang mga siyudad sa buong bansa.
Isa na nga rito ang pag-aanunsyo ni Remulla sa pagbabawal para sa kalalakihan na maglakad sa tabing kalsada nang walang suot na damit.
“Bawal na ang walang t-shirt na lalaki na palakad-lakad sa kalye,” pagsisimula niya.
Paliwanag ni Remulla, marapat lang daw na magsuot ng damit ang isang lalaki kung pupunta ang mga ito sa mga tabing kalsada.
“It is an act of civility na magbihis naman kayo habang nasa kalye kayo,” diin niya.
Mungkahi ni Remulla, magsuot umano ng sando ang kalalakihang pupunta sa kalye kahit gaano pa man kainit ang panahon.
“Kapag kayo ay walang suot na t-shirt, nakahubad, at palakad-lakad, kahit gaano kainit [ay] magsando man lang kayo,” saad niya.
“Bawal na po ‘yan,” pagtatapos pa niya.
Kaugnay nito, nagbabala si Remulla para sa kabataang magpapakalat-kalat pa sa kalsada tuwing gabi dahil ipapatupad na rin umano nila ang “enhanced curfew ordinance.”
Layunin nito mahigit na ipagbawal ang pananatili sa lansangan ng mga batang may edad 18 pababa.
“Meron na tayong enhanced curfew ordinances para sa mga 18 years old and below. 'Pag hindi kayo nag-aaral o nagtatrabaho, proof of employment or proof of education na nag-aaral kayo sa oras na 'yon, pauwi kayo, bawal na kayo sa kalye after 10pm,” anang DILG Secretary.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Yung mga geng geng d’yan!’ DILG, huhulihin mga menor de edad na lalabag sa ‘curfew hours’