May 22, 2026

Home BALITA Metro

Kauna-unahang measles-related death sa QC ngayong 2026, isang 4 na buwang sanggol

Kauna-unahang measles-related death sa QC ngayong 2026, isang 4 na buwang sanggol
Photo courtesy: World Health Organization (website)

Naitala ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD) na isang apat na buwang gulang na sanggol ang kauna-unahang kaso ng measles-related death sa Quezon City ngayong 2026. 

Saad ng QCESD sa kanilang pahayag nitong Lunes, Abril 6, ang sanggol ay mula sa Brgy. Loyola Heights, at pumanaw ito noong Marso 25. 

Sa isinagawa rin nilang case investigation, Marso 21 nang nagsimulang magpakita ng mga sintomas ng tigdas ang sanggol tulad ng lagnat, ubo, pamumula ng mata, at pantal. 

Sa kabila ng agarang gamutan, mabilis daw lumala ang kondisyon ng sanggol at kinailangan nang dalhin sa emergency care bago tuluyang pumanaw. 

Ayon naman sa medical report na inilathala rin ng QCESD, “disseminated intravascular coagulation” ang agarang sanhi ng kamatayan ng sanggol, na sinundan ng matinding sepsis, habang pinaniniwalaang tigdas na may komplikasyong pneumonia naman ang pinagmulan ng sakit. 

Metro

53-anyos na babae, namatay sa gitna ng AICS payout

Bilang aksyon, ang Quezon City local government unit (LGU) ay agad na nagsagawa ng field epidemiologic investigation, outbreak response immunization (ORI), at active case finding (ACF) upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng sakit sa komunidad. 

Pinagtibay din ng QC LGU ang pagpapabakuhna sa mga batang nasa 6 hanggang 59 buwan, anuman ang kanilang vaccination history. 

Kasabay nito ang mas pagpapaigting ng surveillance sa mga kaso ng lagnat at pantal sa lungsod. 

Sa kasalukuyan, patuloy na nananawagan ang Quezon City Health Department sa mga magulang na tiyaking mababakunahan ang kanilang mga anak laban sa tigdas at agad na pagpapatingin sa mga ito sa health center kung sakaling makaramdam at makitaan ng mga sintomas tulad ng lagnat, ubo, pamumula ng mata, at pantal. 

Ipinapayo rin ng health department na iwasang isuong ang sanggol sa mga matataong lugar at ilayo ito sa mga may karamdaman upang maiwasan ang pagkakaroon ng malubhang komplikasyon.