Mahigpit nang ipagbabawal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga inumang gagawin sa mga kalye at iba pang public spaces sa ilalim ng “Anti-Public Intoxication Act” upang matiyak ang kaligtasan sa mga kalsada.
“Just to be clear, mayroon tayong ‘Anti-Public Intoxication Act.’ Bawal na ang mag-inom sa kalye. Bawal na ang maglatag ng mga silya at mga lamesa sa mga kalye at mag-inuman,” mariing saad ni DILG Sec. Jonvic Remulla sa kanilang press conference nitong Lunes, Abril 6.
Aniya pa, ang inumang ito sa mga pampublikong lugar at mga kalsada ang pinag-uugatan ng iba’t ibang abala at krimen tulad ng pag-aawayan at sexual harassment.
Kaya sa mga lalabag, ipinaalala ni Remulla na agad huhulihin ang mga ito.
“Bawal na. Sinasabihan ko ang lahat, pasensiyahan tayo, kapag kayo mag-inuman sa kalye, huhulihin namin kayo,” mariing babala ng kalihim.
“Kapag nasa loob kayo ng mga pader n’yo, nasa loob ng mga bahay, walang problema. Pero kapag nasa labas, sa kalye, public spaces, bawal na ang inuman,” dagdag pa ni Remulla.
Kasama rin sa mga paalala ni Remulla ay ang pagpapaigting ng “enhanced curfew ordinance,” kung saan ang mga menor de edad na nasa 18 taong gulang pababa, ay ipinagbabawal na sa kalye paglagpas ng 10 ng gabi.
MAKI-BALITA: ‘Yung mga geng geng d’yan!’ DILG, huhulihin mga menor de edad na lalabag sa ‘curfew hours’
Gayundin ang pagbabawal sa kalalakihan na maglakad sa mga kalsada na walang suot na t-shirt, bilang “act of civility.”
MAKI-BALITA: 'Magbihis naman kayo!' DILG, huhulihin na mga lalaking hubad sa kalye
Tiniyak rin ng kalihim na sa pamamagitan ng kanilang mga inisyatiba sa DILG, patuloy na bababa ang krimen sa mga lansangan at iba’t ibang panig ng Pilipinas.