Aabot sa humigit-kumulang 3.4 milyong pasahero at biyahero ang dumagsa sa mga pantalan mula Marso 28 hanggang Abril 5, 2026, batay sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Lunes, Abril 6.
Ayon sa PCG, ang naitalang bilang ng mga pasahero ay bahagi ng kanilang Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2026.
Base pa sa ulat, naitala noong Miyerkules Santo at Linggo ng Pagkabuhay ang pinakamaraming pasahero, na karamihan ay galing sa mga lalawigan ng Cebu, Iloilo, Batangas, Aklan, at Oriental Mindoro.
Bumaba rin daw sa 37 ang insidente ng pagkalunod, mula sa 53 na mga kaso noong nakaraang taon.
Ayon sa PCG, malaking bahagi ng tagumpay ng Oplan Biyaheng Ayos ay ang pagtutulungan ng Local Government Units (LGUs), beach resort owners, government agencies, at maging ang media, upang masiguro na ang mga turista ay sumusunod sa mga panuntunang maglalagay sa kanila sa kaligtasan noong nagdaang Mahal na Araw.
Matatandaang binigyang-diin kamakailan ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao kung gaano nga ba kahalaga ang papel ng Oplan Biyaheng Ayos upang masigurong nasa maayos na kalagayan ang mga biyahero, motorista, at pasahero noong nagdaang Semana Santa.
"Mahalaga ang inisyatibong ito, hindi lamang para pigilan ang mga aksidente sa daan, kundi lalo na para tulungan ang mga motoristang uuwi sa kanilang mga lalawigan para sa bakasyon, pati na rin ang mga dadalaw sa iba't ibang simbahan sa buong bansa para ipagdiwang ang Semana Santa. Sa pamamagitan ng 24/7 na operasyon ng mga command center, tinitiyak nating handa tayong tumulong sa lahat ng oras para masiguro na ligtas at maayos ang kanilang paglalakbay,” saad ni Lacanilao sa isang pahayag kamakailan.
MAKI-BALITA: Oplan Biyaheng Ayos, ikinasa na para sa Semana Santa, 'summer vacation'-Balita