May 22, 2026

Home BALITA National

''Di ganoon kasimple!’ Sen. Ping, iginiit na aabot sa ₱320-B ang mawawala kung aalisin ang VAT!

''Di ganoon kasimple!’ Sen. Ping, iginiit na aabot sa ₱320-B ang mawawala kung aalisin ang VAT!
Photo courtesy: file photo

Maaaring mawalan ang pamahalaan ng mahigit ₱320 bilyong kita kung ipatutupad ang suspensyon ng value-added tax (VAT), ayon kay Senate Pro Tempore Ping Lacson nitong Linggo, Abril 5, 2026.

Ipinaliwanag ng senador na malaki ang magiging epekto nito sa kita ng gobyerno, lalo na kung isasabay pa ito sa pagkawala ng kita mula sa excise tax sa petrolyo.

“Sa excise tax lang, assuming na aabot tayo sa 2027, nasa mga ₱200 billion yung impact sa foregone revenues,” ani Lacson sa panayam sa kaniya ng isang radio station.

Hirit pa niya, “May suggestion pa na i-suspend pa ang VAT. Magdodoble iyan, papalo tayo ng ₱320 plus billion kung pati ang VAT i-suspend dahil sa krisis.”

Binigyang-diin din ng senador na kinakailangang pag-aralang mabuti ang panukalang suspensyon ng VAT dahil maaari itong magkaroon ng malalim na epekto sa ekonomiya, partikular sa gross domestic product (GDP) ng bansa.

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

“Hindi ganoong kasimple kasi tinitingnan lang natin suspend, suspend (VAT) para masiyahan yung mga kababayan natin pero yung impact niya sa gross domestic product natin, sa GDP matindi. In the long term or in the medium term, tayo rin ang tatamaan,” dagdag pa niya.

Sa kasalukuyan, naniniwala si Lacson na sapat na ang pansamantalang pagsuspinde ng excise tax sa mga produktong petrolyo upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Matatandaang nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magpupulong ang Development Budget Coordination Committee upang talakayin ang paggamit ng emergency powers kaugnay sa posibleng pagsuspinde o pagbabawas ng excise tax sa produktong petrolyo.

Ang naturang kapangyarihan ay nakapaloob sa isang bagong batas na nilagdaan ng Pangulo, na nagpapahintulot sa pansamantalang suspensyon o pagbabawas ng excise tax sa loob ng hanggang tatlong buwan.

Sa gitna nito, inaasahan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel, na maaaring umabot sa ₱17 hanggang P19 kada litro. Posible umanong pumalo sa ₱165 kada litro ang regular diesel at lumagpas sa ₱170 ang premium diesel, bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa tensyon sa Middle East.

Patuloy namang binabantayan ng pamahalaan ang sitwasyon upang makahanap ng mga hakbang na makatutulong sa publiko habang pinangangalagaan ang katatagan ng ekonomiya ng bansa.